MAHIGPIT ang pagbabantay ng intelligence community sa bansa para mapigilan ang pagpasok ng terorista.
Ito ang tiniyak kahapon ni National Security Adviser Hermogenes Esperon, Jr., kasunod ng ulat na nakitang pumasok sa bansa ang Indonesian terrorist, kasama si Abu Sayyaf Group (ASG) leader Isnilon Hapilon, at isa pang Indonesian ang sumapi sa Maute Group.
Tiniyak ni Esperon, katuwang ng Filipinas ang Malaysia at Indonesia sa seguridad ng mga karagatan sa hangganan ng Timog Silangang Asya upang maunsyami ang plano ng mga terorista nais gawing pugad ang sampung bansang kasapi ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).
Kaugnay nito, pinawi ng Palasyo ang pangamba ng publiko hinggil sa inilabas na travel advisory ng US na nagbababala sa kanilang mga mamamayan sa posibleng pag-atake ng mga terorista sa mga dayuhan sa Palawan.
“Public safety is eve-ryone’s concern. We assure everyone that the government is on top of the situation and authorities, particularly those in the Western Command (WESCOM) which covers the province of Palawan, are on heightened alert to prevent any untoward incidents,” ayon sa kalatas ni Presidential Spokesman Ernesto Abella.
Ginagawa aniya ng mga opisyal ng Palawan, Western Command ng AFP, Philippine National Police (PNP), at Philippine Coast Guard (PCG) ang mahigpit na pagbabantay upang hindi makapasok ang mga terorista, lalo sa pamamagitan ng karagatan.
Hinimok ni Abella ang kooperasyon ng mga re-sidente at turista sa mga awtoridad at iulat ang mga kahina-hinalang pagkilos sa mga pama-yanan.
Matatandaan, naunsyami ang pag-atake ng ASG sa Bohol noong nakalipas na buwan at nadakip sina Supt. Cristina Nobleza at lover na ASG member na si Renierlo Dongon, nang tangkaing saklolohan ang mga kasamahan nilang tero-rista sa lalawigan, na naunang nasukol ng mga awtoridad.
(ROSE NOVENARIO)