HINDI na kailangang maglunsad ng kudeta ang militar dahil umiiral na ang ‘military junta’ sa kanyang gabinete.
“May isang bakante pa, madagdagan ko pa ng isang military, kompleto na iyong junta natin. Hindi na sila kailangan mag-kudeta. Nandiyan na kayo ngayon ha, ako pagod na ako,” pabirong sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte nang ianunsiyo kahapon ang pagpili kay Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Eduardo Año bilang susunod na kalihim ng Department of Interior and Local Government (DILG).
“They might decide to junta na lang muna, kasi maraming tarantado e. E si… patinuin na muna nila iyong Filipinas,” dagdag niya bago umalis patu-ngong Cuba, Hong Kong at China.
Ikinatuwiran ni Duterte, kailangan niyang magtalaga ng militar sa DILG dahil may problema siya sa pulisya.
“Kailangan ko kasi I have a problem with the police. And a military man halos pare-pareho lang ‘yan ng… Except that the police can really… Mahirap ang pulis nga-yon, I was reading coming here another spot report of four policemen again kidnapping, P**** i** talaga itong mga pulis na ‘to. So you need one, somebody, who knows the police by the fingertips of his hand. Kailangan ’yan, e puro ano lang ‘yan,” aniya.
Kasabay aniya ng drug war ay isusulong ni Año ang kampanya kontra terorismo lalo na’t drug lords ang nagpopondo ng pag-atake ng mga terorista sa Mindanao at Visayas.
Nakatakdang magretiro si Año sa AFP sa 26 Oktubre.
Naging kontrobersyal si Año nang masangkot sa pagdukot sa aktibistang si Jonas Burgos noong 2007.
Si Año ang pang-apat na militar sa gabinete ni Duterte, naunang ipinuwesto sina National Security Adviser Hermogenes Esperon, Jr., Defense Secretary Delfin Lorenzana, at Environment Secretary Roy Cimatu.
Samantala, nilagdaan ni Pangulong Duterte ang appointment papers ng kanyang running mate noong nakalipas na halalan, na si Sen. Alan Peter Cayetano, bilang bagong kalihim ng Department of Foreign Affairs (DFA).
Anang Pangulo, pi-nirmahan niya ang appointment papers ni Ca-yetano matapos ang one year ban ng Comelec sa mga natalong kandidato noong 2016 elections.
(ROSE NOVENARIO)