BALIKTAD ang paniniwala ni UN Special Rapporteur Agnes Callamard sa report ng United Nations Office on Drugs and Crime, na ang shabu ay mapanganib sa kalusugan at isip at sanhi ng pagiging bayolente ng gumagamit.
Ito ang buwelta ng Palasyo sa pahayag ni Callamard kamakailan, na ang paggamit ng shabu ay hindi nagdudulot ng pinsala sa utak at hindi sanhi ng bayolenteng reaksiyon.
Umani ng batikos sa netizens si Callamard dahil sa kontrobersiyal ni-yang mensahe sa Tweeter “Prof Carl Hart: there is no evidence Shabu leads to violence or causes brain damage #Philippines drug policy forum” noong Huwebes.
“Hindi ko po alam ang basis niya at reference niya riyan. Pero ang reference ko po ay empirical at talagang scientific because the United Nations Office on Drugs and Crime ay meron pong pahayag sa World Report. Siguro dapat basahin niya ho ito para maintindihan niya ‘yung kanyang sinasabi,” pahayag sa press briefing kahapon sa Ma-lacañang ni Public Attorney’s Office (PAO) Persida Acosta.
“Contradictory siya rito sa World Report ng United Nations Office on Drugs and Crime. I res-pect her opinion pero ito pong UNODC ay kabahagi ng United Nations na nananawagan ng pagtutulung-tulong nang lahat ng bansa upang i-dismantle ang transnational organized criminal organizations on drugs dahil sinasabi nga rito, masama ang epekto sa kalusugan,” ani Acosta.
“At sinasabi rin ng UNODC, hindi lang libo ang namamatay dahil sa droga. Libo-libo po ang namamatay sa buong mundo, masama po ito sa kalusugan,” giit niya.
Inihalimbawa ni Acosta ang mga kasong hinawakan niya na ang ugat ng krimen ay pagi-ging sugapa sa shabu ng suspek.
Mismong sa PAO aniya ay 10 empleyado ang kanyang sinibak at 20 ang sinuspendi dahil sa paggamit ng illegal drugs.
“Hindi ba nakakasama ‘yan? At marami po ang napupunta sa National Center for Mental Health dahil sa droga kaya po nagkaroon ng paranoia, schizophrenia at sari-sari po mga pagkasira ng isip. Hindi lang katawan kundi ng isip.”
Binigyan-diin ni Acosta, bilang naging kinatawan ng Filipinas sa UNODC, marami siyang nakahalubilong UN offi-cers na sang-ayon sa prinsipyo ni Pangulong Duterte na tanggalin ang kamandag ng droga sa Fi-lipinas.
“Pasensiya na po, Ma’am Callamard, pero marami po akong nami-meet na United Nations Officer pero kaisa ho ni Pangulong Duterte sa kanyang prinsipyo na tatanggalin niya ang kamandag ng droga sa ating bayan,” aniya.
(ROSE NOVENARIO)