SAGKA sa implementasyon ng repormang agraryo ang korupsiyon sa hudikatura.
Sa pagbisita ni Pangulong Rodrigo Duterte sa camp-out sa Mendiola ng mga magbubukid mula sa Madaum Agrarian Reform Beneficiaries Inc. (MARBAI) sa Lapanday Foods Corp. kahapon, nanawagan siya sa mga korte na huwag gawing bisyo ang pagla-labas ng temporary restraining order (TRO) para pigilan ang pagpapatupad ng agrarian reform, kapalit ng pabor sa mga panginoong maylupa.
Naging ugali aniya ng landgrabbers ang mag-forum shopping at gumamit ng koneksiyon upang patulugin ang mga kaso.
“Nandiyan iyan palagi iyang TRO, TRO ninyo, hindi nakagalaw ang gobyerno. ‘Wag ninyo gawin ‘yan, kasi mabaho na style ‘yan. Do not allow people to go around for — shopping for a coat, hanggang ngayon, ilang taon na iyan, almost 50 years, 100 years aabot ‘yan, ‘yung mga pribadong kamay, na ‘yung mga tao lang na may koneksiyon,” anang Pangulo.
Nanawagan ang Pangulo sa New People’s Army (NPA) na huwag makialam sa usapin ng MRBAI dahil kailangan lutasin ito sa mapayapang paraan.
Matatandaan, ayaw kilalanin ng Lapanday ang hurisdiksyon ng Department of Agrarian Reform (DAR) sa banana plantation at nagpakalat ng 800 armadong sekyu para barikadahan ang lupain upang pigilan makapasok ang mga kasapi ng MRBAI.
Tiniyak ng Pangulo, kapag kompleto na ang dokumentong hawak ng MRBAI ay uutusan niya ang mga pulis at sundalo at sasamahan ang sheriff na magpapatupad ng DAR order sa Lapanday.
Nag-blow-out si Pangulong Duterte sa may 200 magbubukid ng hapunan kagabi sa Jollibee at inutusan si Special Assistant to the President Cristopher “Bong” Go na bigyan ng plane ticket ang bawat isa pauwi ng Mindanao.
Matatandaan noong nakaraang buwan, sinunog ng mga miyembro ng NPA ang mga kagamitan sa Lapanday at kinompiska ang mga armas ng mga sekyu nang salakayin ang tanggapan nito sa Davao City.
Kinondena ang NPA attack ni Davao City Mayor Sara Duterte at nakipagpalitan ng batikos sa mga rebelde nang akusahan siyang pinoprotektahan ang pamilya Lorenzo dahil ang mister niyang si Atty. Maneses Carpio ay abogado ng mga Lorenzo.
ni ROSE NOVENARIO