SA tuwing sasagi sa kanyang isipan ang hirap ng overseas Filipino workers (OFWs) at mga batang biktima ng ilegal na droga, napapamura si Presidente Duterte at halos maluha kapag nababanggit ang lalong pahirap ng mga tauhan ng Bureau of Customs sa NAIA at iba pang paliparan sa bansa.
Nitong nakaraang Huwebes sa isang pagtitipon ng mga doktor na ang pangunahing panauhing pandangal, kitang-kita at mamamalas ang ngitngit niya sa mga mapagsamantalang tauhan ng Customs bureau na walang habas ang pagbubukas ng mga bagahe ng arriving OFWs.
Batid ni Duterte na hirap, pagod at buhay ang sinuong nila sa iba-ibang bansa at meron pang mga pagkakataong sila’y inaabuso.
Iginiit ni Pangulong Duterte sa OFWs na kapag ito ay nangyari sa kanilang pagdating, umalma sila at gumawa ng ingay kapag ang mga bagahe nila ay pilit na bubuksan ng spot inspectors. Aniya, walang karapatang pakialaman ng Customs personnel o pulis ang kanilang bagahe at kunin ang magustuhang pasalubong na laan sa mga anak at mahal sa buhay.
Hindi pa nalulunasan ang ‘tanim-bala’ at iba pang modus ng mga tao sa NAIA at heto, meron na namang bagong modus na sumisingaw ayon sa mga insider na kilala ko sa NAIA.
Abangan natin ang bagong modus na ito at ipaparating ko sa inyo ang estilong bago makapangulimbat ng kahit paano sa mga pobreng obrero.
Gayon din, ang sinapit ng mga biktima ng ilegal na droga mula noon pa ay pumukaw na muli sa kanyang gunita.
Aniya, ang mga American Forensic experts “have found out that sustained use of ‘shabu’ or ‘meth’ shrinks the users’ brain. Nahahabag siya at kitang-kita ang galit sa sinasapit ng mga batang musmos na ang iba’y mga magulang na ang pinapatay dahil nga sila ay ‘insane’ na — wala nang kilala! Nandiyan ang inaabuso nila pati mga kapatid, magulang at matatanda sa pamilya dahil wala na sila sa sariling pagiisip.
Sa bandang huli ng kanyang masaya at makabuluhang pakikipagniig sa mga doktor ng orthopedic medicine, nag-iwan si Pangulong Duterte ng tanong sa bawat nakikinig at maging sa mga nanonood sa telebisyon tulad ko — sinabi niyang tao at tao pa rin ang makapagbibigay lunas sa mga ganitong suliranin ng bansa ngunit hindi niya nakakalimutan ang kanyang pangako na sosolusyonan niya ang problema sa krimen, korupsiyon at ilegal na droga. Inamuki niya ang bawat Filipino na maging mapagmasid sa mga taong nasa gobyerno at isumbong sa kanya ang mga hindi tumutupad sa kanyang polisiya sapagkat hindi niya hahayaang sila ang sisira sa kanyang pangarap para sa tunay na pagbabago.
SOUNDING BOARD NI KOYANG – Jesus Felix B. Vargas