TAMA ang nakalagay sa press release ng pelikula ni Iza Calzado, ang Bliss na idinirehe ni Jerrold Tarog. “Director Jerrold Tarog is back with a shocking new film. The psychosexual thriller, ‘Bliss’, is Tarog’s tenth full-length film and already, it’s becoming his most controversial project to date.”
Tunay na nakagugulat ang Bliss sa kung paano iyon inilahad ni Tarog.
Ang pelikulaý ukol kay Jane Ciego na ginagampanan ni Iza na isang aktres na burn-out na sa pagiging artista kaya nag-prodyus ng kakaiba at pang-award na pelikula. Mayroon siyang inang stage mother na mas pinahahalagaan ang kikitain niya kaysa kapakanan ng anak. Asawa niya si TJ Trinidad na tila nang-iisa rin sa kanya dahil sa kaduda-dudang pagkatao na nakabuntis ang PA ni Jane.
Nakaiintriga ang pelikula habang pinanonood namin na talagang iisipin mo kung saan patungo ang istorya at kung ano ang magiging katapusan. Sa paglalahad, pinagsama sa pamamagitan ng pagtalon-talon ni Tarog sa pelikulang ginagawa ni Jane at sa totoong buhay nito na dahil sa aksidenteng nangyari sa shooting ay na-paralyze at na-confine sa ospital.
Ipinakita roon ang tilaý nalilitong pagkatao ni Jane na pinapasukan ng horror.
Kahanga-hanga rin at nakaiinis naman ang karakter ni Adrienne Vergara (gumaganap na nurse ni Jane) na mayroong kakaibang personalidad. Mataray sa pasyente at biktima ng harassment ng isang kapitbahay na tomboy. Kaya naman lumaki ito sa ganoong gawi na pagkaraan ay siya na ang nambibiktima ng pasyente.
Bagamat nakaiinis, kahanga-hanga ang lakas ng loob ni Adrienne na ibuyangyang ang katawan habang pinaliligaya ang sarili. Na hindi naman nagpatalo si Iza dahil sa huli’y ibinuyangyang din ang kahubdan at kung ilang beses niyang ipinaubaya ang sarili kay Adrienne.
Isa ito sa pelikulang nagpakita ng kahusayan ni Iza kaya hindi kataka-takang pinapurihan ang kanyang galing sa Yakushi Pearl Award at nakakuha ng Best Performer for her Outstanding Performance, ang kauna-unahang international award na nakuha ni Iza. Pinapurihan din ang pelikulang Bliss, nang magkaroon ito ng world premiere sa Osaka Asian Film Festival ng mga festival critic at mga audience.
Masasabi talagang astig ang pagkakadirehe ni Tarog, gayundin ang musical score nito at editing.
“One of the objectives of the film is to present something na hindi pa nagagawa in local cinema. Shocking and disturbing siya in a way. But I’m confident that (the audience is) ready,” paliwanag ni Tarog. “When we had the free screening in UP Cine Adarna, nagpa-survey kami. They were asked what rating they would give ‘Bliss’. Out of 770 people, roughly 500 voted for R-18 and almost 200 voted for R-16.”
At sa kabila ng kontrobersiyal na nakuha ng Bliss (mula sa pagka-X sa MTRCB hanggang sa naging R-18), optimistic pa rin si Direk Tarog. Umaasa siya sa magiging opinion at magiging usap-usapan ukol sa kanyang pelikula.
“I try to push boundaries. As an artist, it’s important to keep challenging myself and the audience,” aniya. “We tried to do something different for ‘Bliss’ and we hope the audience will appreciate what we’re trying to achieve.”
Bukod kina Iza Calzado at Adrienne, kasama rin sa pelikula sina Ian Veneracion, TJ Trinidad, Adrienne Vergara, Michael de Mesa, Shamaine Buencamino, Audie Gemora, at Stephanie Sol.
Ang Bliss ay produce ng TBA (Tuko Film Productions, Buchi Boy Entertainment, and Artikulo Uno Production) at ipinamamahagi ng Quantum Films. Mapapanood na ito simula May 10 na uncut at uncensored sa mga sinehan nationwide.
SHOWBIZ KONEK – Maricris Valdez Nicasio