HUMIRIT ang pamilya Veloso kay Pangulong Rodrigo Duterte, na tulungan silang tuluyang isalba sa kamatayan at hilingin kay Inodenesian President Joko Widodo na gawaran ng clemency ang kaanak na death convict na si Mary Jane Veloso.
Nagtungo kahapon sa Palasyo si Celia Veloso, ina ni Mary Jane, mga kinatawan ng Migrante International group, at iba pang pamilya ng overseas Filipino workers (OFWs) na nakahanay sa death row sa iba’t ibang parte ng mundo.
Anila, nangako si Presidential Adviser on OFWs Concerns Abdullah Mama-o, na magpapadala ng sulat sa Indonesian Embassy upang iparating ang kanilang kahilingan sa kaso ni Veloso.
Sinabi ni Laorence Castillo, program coordinator ng Migrante, hini-ling nila kay Mama-o na ipabatid kay Duterte ang hirit nilang banggitin kay Widodo ang kaso ni Veloso.
Nais din nilang makasama sa agenda sa ASEAN Leaders’ Summit sa Sabado ang kalagayan ng mga migranteng manggagawa sa mga bansang kasapi sa ASEAN.
Samantala, natuwa ang Malacañang sa hakbang ng abogado ng death convict na si Jennifer Dalquez, hiniling na mapawalang sala siya sa kasong pagpatay sa kanyang amo dahil hindi sumipot sa pagdinig ang dalawang anak na lalaki ng biktima
“Our prayers have again been answered. On the hearing on the case of Ms. Jennifer Dalquez in Abu Dhabi held today, April 26, the two sons of the deceased failed to appear in the hearing, as ordered by the judge last April 12. In view of this, the legal counsel of Ms. Dalquez moved to have her acquitted,” ani Presidential Spokesman Ernesto Abella.
Inaasahan ilalabas ng hukuman ang hatol sa kaso ni Dalquez sa 24 Mayo.
(ROSE NOVENARIO)