GINAGAMIT ng mga kritiko ni Pangulong Rodrigo Duterte ang International Criminal Court (ICC) bilang lunsaran ng black propaganda at para ipinta siya bilang mamamatay tao sa mata ng buong mundo dahil sa drug war ng kanyang administrasyon.
Sinabi ni Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo, ang kasong “crime against humanity” na inihain sa ICC laban kay Pangulong Duterte ni Atty. Jude Sabio, ay walang basehan kaya tiyak sa basurahan ma-pupunta.
Si Sabio ang abogado ni self-confessed Davao Death Squad (DDS) hitman Edgardo Matobato .
Ayon kay Panelo, hindi maituturing na krimen laban sa sanlibotan ang mga patayan bunsod ng drug war dahil hindi ito state-sponsored.
Ang “crime against humanity” ay maramihang pagpatay sa mga tao mula sa isang uri kaya ang mga namatay dulot ng drugwar ay hindi kasama rito.
Aniya, bahagi ng tungkulin ng Pangulo, ayon sa nakasaad sa Konstitusyon, ang bigyan ng proteksiyon ang kanyang mga mamamayan.
Kung may mga na-patay na sangkot sa illegal drugs, sila’y lumaban sa mga awtoridad o kaya’y itinumba ng kalabang sindikato o pinurga mula sa kinaaanibang pangkat.
Tiniyak ni Panelo, iniimbestigahan at kinakasuhan ang sino mang alagad ng batas na nilabag ang tungkulin sa pagpapatupad ng batas.
“President Duterte is just doing his job, people believe in him,” ani Panelo.
(ROSE NOVENARIO)