LEGAL ang pagbisita ni Defense Secretary Delfin Lorenzana sa Pag-asa Island sa West Philippine Sea nitong Biyernes, bahagi ito ng obligasyon ng gobyerno sa isla na bahagi ng Filipinas.
Sinabi ni Presidential Spokesman Ernesto Abella, ang pagpunta ni Lorenzana sa Pag-asa Island ay parte ng pagsusumikap ng administrasyong Duterte na ayusin ang kaligtasan, kabuhayan, kapakanan ng mga residente ng isla na sakop ng munisipalidad ng Kalayaan, bahagi ng lalawigan ng Palawan.
“The visit of the Department of National Defense and the Armed Forces of the Philippines to Pag-asa Island is part of the efforts to improve the safety, welfare, livelihood of Filipinos residing and living in the municipality of Kalayaan which is part of the province of Palawan… Such flights will likewise enable us to reach our municipality,” ani Abella kahapon sa text message sa palace reporters.
Nagtangka ang Chinese Navy nitong Biyernes na pigilan ang C-130 transport plane na lulan ang grupo ni Lorenzana, at hiniling na umalis sila upang maiwasan ang ‘miscalculation’ ngunit nanindigan ang Defense secretary at itinuloy ang paglapag sa isla.
Nagpahayag nang pagkadesmaya ang Foreign Ministry ng China sa biyahe ni Lorenzana sa isla dahil kontra anila ito sa “important consensus” na napagkasunduan ng liderato ng Filipinas at Beijing na wastong harapin ang isyu ng South China Sea.
Sa susunod na buwan ay magdaraos ng bilateral talks ang Filipinas at China. (ROSE NOVENARIO)