KORYENTE ang balitang lumobo sa 9,000 ang kaso ng extrajudicial killings sa bansa bunsod ng drug war ng administrasyong Duterte na pinaniniwalan ni Uncle Sam.
Sinabi Presidential Spokesman Ernesto Abella, peke ang ulat na halos 9,000 katao ang namatay dahil sa drug war at nag-ugat ito sa masugid at paulit-ulit na pagbabalita na 7,000 ang napaslang.
Batay aniya sa record ng Philippine National Police (PNP) ay 6,011 homicide cases under investigation at 1,388 lamang ang may kinalaman sa illegal drugs taliwas sa ipinangangalandakan sa balita na 9,000.
Umaasa aniya ang Palasyo sa patas at hindi padalos-dalos na paghuhusga lalo na’t gusto ng publiko ang mga pagbabago at ang paraan kung paano ito isinagawa.
Kamakalawa, sinabi ni Patrick Murphy, Deputy Assistant Secretary of State for Southeast Asia, na nakababahala ang paglobo ng bilang ng EJKs sa Filipinas lalo kapag ang nagpapatupad ng drug war ay lumilihis sa “rule of law.”
“We, however, do have a very sustained and deep concern when elements of the drug war are operating outside the rule of law. The growing number of extrajudicial killings is troubling,” ani Murphy kahapon.
Hiniling ng Malacañang na maunawaan ang administrasyong Duterte hindi lang mula sa iisang perspektiba bagkus ay sa punto de vista ng mga Filipino na nagha-hangad ng pagbabago, katatagan at parehas na lipunan.
“We ask to be understood not just from a single perspective, but from the point of view of Filipinos who desire change, stability and fairness,” ani Abella.
Tiniyak ni Abella na ang mga awtoridad ay sumusunod sa alituntuntunin sa pagpapatupad ng batas at guma-gamit ng puwersa kapag kinakailangan sa isang sitwasyon.
Lahat aniya ng pulis na lumabag ay pinapanagot ng Internal Affairs Service ng Philippine National Police (PNP)
“The Philippine National Police (PNP) has an Internal Affairs Service (IAS) tasked to probe police accused of such violations. This body can suspend or dismiss PNP personnel based on violations incurred and can recommend the filing of criminal charges,” dagdag ni Abella.
(ROSE NOVENARIO)