“NGAYON pa lang nagsi-sink-in,” bungad sa amin ni Gerald Santos nang kumustahin ito ukol sa pagkakasama niya sa Miss Saigon UK. Gagampanan niya ang papel ni Thuy.
Anang Prince of Ballad sa aming palitan ng PM sa Facebook, ”Hindi ko po akalain na ganito siya kalaki at ka-big deal ‘pag nai-announce.” Abril 12 nang ini-announce ang pagkakasama ni Gerald sa naturang musical play. ”It’s an honor for me and for our country po. Iwawagayway ko po bandila ng Pilipinas sa Europe! I’ll make you all proud po!” paniniyak ni Ge (tawag sa batang singer/actor).
Sa May 6 na lilipad si Gerald para sa isang taong kontrata sa Miss Saigon na gagawin sa Leicester Curve at magsisimula sa Hulyo. ”One year po ang initial contract ko,” anito.
Sinabi pa ni Gerald na simula ngayon ay ihahanda na niya ang mga dapat niyang dalhin at ayusin.”Tuloy-tuloy pa rin po ang voice strengthening at training ko,” anito.”Tapos po pipilitin ko pa ring makapag-acting lessons with Direk Floy Quintos at Kuya Cocoy (Ramillo, he’s mentor and manager),” dagdag-tsika pa ng singer.
Blessings din na natapos na ni Ge ang lahat ng shows at raket niya sa bansa. ”Last na po ‘yung ginawa kong concert last April 9. Dapat nga po ay gagawin pa namin ‘yung ‘Emilio Jacinto’ movie after the concert. Pero hindi na po talaga kaya ng schedule.”
Pero ‘wag mag-alala ang fans niyang gusto siyang mapanood sa big screen dahil willing maghintay ang producer ng Emilio Jacinto sa kanyang pagbabalik.”Willing sila na maghintay pagbalik ko next year para magawa ko ang movie.”
Sa ngayon kasi’y isang taon pa lang ang kontragta ni Gerald sa Miss Saigon UK. “And there’s a possibility po na ma-extend,” anito nang tanungin namin kung puwedeng ma-extend ang kontrata niya.
Naikuwento pa ni Gerald, na wala pa siyang alam na ka-alternate bilang Thuy.”Kaya nga po hindi raw ako puwedeng mag-absent till end of August kasi roon pa lang po may papasok na understudy.”
Bukod kay Gerald, pasok din si Red Concepcion na gaganap naman bilangEngineer. Si Red ay mayroong extensive theatre credits sa bansa kabilang ang musicals na West Side Story at Hairspray.
SHOWBIZ KONEK – Maricris Valdez Nicasio