SA kabila nang pagkakait na bayaran ang overtime pay ng Bureau of Immigration (BI) employees, pinuri sila ng Palasyo dahil sa mabilis na aksiyon at maagap na pagdakip sa mag-asawag Kuwaiti at Syrian na hinihinalang miyembro ng Islamic State of Syria and Iraq (ISIS).
“ We commend the Bureau of Immigration (BI), the Department of Justice (DOJ) and other agencies of government for the swift action and timely arrest of these individuals that may have posed a danger to our security,” pahayag ni Presidential Spokesman Ernesto Abella.
Aniya, ang pag-aresto sa mga suspect na sina Al-Dhafiri at partner na si Rahaf Zina sa Bonifacio Global City sa Taguig City noong 25 Marso dahil sa umano’y kaugnayan sa ISIS ay bunsod ng epektibo at puspusang kooperasyon sa ibang bansa kontra-terorismo at pagiging mapagbantay ng mga kagawad ng iba;t ibang ahensiya ng pamahalaan at security sector.
Nanawagan ang Malacañang sa mga mamamayan na manatiling mapagbantay, alerto at mausisa, at iulat sa awtoridad ang ano mang impormasyon upang maiwasan ang posibleng pag-usbong ng aktibidad ng mga terorista at kriminal.
“We encourage our citizens to remain vigilant, alert and ever mindful of their surroundings as well as report to concerned authorities any information to prevent possible terrorist or criminal activities,” ani Abella.
“The government—utilizing the military, police, and civilian government—will exhaust all efforts to ensure peace and order, as well as the safety of our people. Ultimately, peace and progress will result from the joint efforts of all,” dagdag ni Abella.
Hanggang sa ngayon ay naninindigan pa rin si Budget Secretary Benjamin Diokno na huwag ibalik ang pagbabayad sa OT pay ng Immigration employees dahil illegal umano na kunin ito sa Express Lane Fund (ELF).
Ipinanukala ni Cabinet Secretary Leoncio “Jun” Evasco na sertipikahan ni Pangulong Duterte bilang urgent bill ang pag-amyenda sa Philippine Immigration Act of 1940 para mabilis na maaksiyonan ng Kongreso bilang solusyon sa suliranin sa sahod ng Immiration employees.
Nais ni Evasco na ibalik muna sa dating sistema na kunin sa ELF ang overtime pay hanggang hindi naipapasa sa Kongreso ang bagong Immigration law.
(ROSE NOVENARIO)