PROTEKTADO ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang propesor na si Communist Party of the Philippines (CPP) founding chairman Jose Ma. Sison sa pagbabalik sa Filipinas kahit santambak ang kasong kriminal na inihain ng military at pulis.
Sa fourth round ng peace talks sa The Netherlands kahapon ay inihayag ng government peace panel na tumawag si Pangulong Duterte sa kanila upang iparating kay Sison ang kanyang paanyaya kay Sison na magbalikbayan at tiniyak na makakikilos nang malaya o hindi aarestohin ng awtoridad ang dati niyang propesor.
Hinihintay pa ang tugon ni Sison sa imbitasyon ng dati niyang estudyante sa Lyceum of the Philippines.
Noong nakaraang 28 Marso, binati ni Sison si Duterte na nagdiwang ng kanyang ika-72 kaarawan.
Kaugnay nito, nagkasundo ang government at National Democratic Front of the Philippines (NDFP) panels na lagdaan ang isang interim joint ceasefire agreement na inaasahang magbibigay-daan sa paghinto ng bakbakan ng militar at mga rebelde.
Palalayain ng New People’s Army (NPA) ang mga bihag nilang sundalo at pulis sa mga susunod na araw kapag tumigil ang operasyong militar sa mga lugar na impluwensiyado ng mga rebelde upang maayos ang turn-over ng prisoners of war (POW) sa mga opisyal ng gobyerno.
Ipinoproseso na rin ang pagpapalaya sa 23 political detainees na inihirit ng NDFP sa gobyerno para palayain.
(ROSE NOVENARIO)