NASA tungki ng New York Times ang mga usapin na itinatambol nito laban sa Filipinas gaya ng extrajudicial killings (EJKs).
Sinabi ni Presidential Spokesman Ernesto Abella, tambak ang problema sa Amerika na puwedeng unahing iulat ng New York Times kaysa pag-initan ang mga isyu sa Filipinas.
“That particular magazine — newspaper for example would — if in normal course of events, would sequence its reports on certain topics. However, there seems to be — rather focused the attention on the Philippines. They do have a bunch of problems by the way in the US. I mean they can very well attend to it,” ani Abella.
Nakapagtataka aniya na nagkukumahog ang NYT sa pagbibigay ng atensiyon sa sitwasyon sa bansa gayong may sariling mga problema ang US na binabalewala ng pahayagan.
Sunod-sunod ang paglalabas ng mga artikulo ng NYT na bumatikos sa umano’y talamak na patayan bunsod ng drug war ng administrasyong Duterte gayong solido ang relasyon ng US at Filipinas.
“If you’re talking about the actual government of the US, we seem to have a pretty solid relationship. But when media like this makes comment like that, they seem to be coming in from the far left side, you know. It’s just curious,” ani Abella.
Ipinahiwatig ni Abella na ang oposisyon sa Filipinas ang nakikinabang sa “agit-prop” ng NYT na pinaniniwalaang binubuhusan ng pondo ng mga nasa likod ng destabilisasyon laban kay Pangulong Duterte.
Nauna nang tinukoy ni Duterte, na pagsasabwatan ng mining executives, drug lords, at ilang nakabase sa Amerika, gaya nina American billionaire George Soros at Fil-Am millionaire Loida Nicolas-Lewis, at tinutustusan ang mga hakbang para patalsikin siya sa puwesto. (ROSE NOVENARIO)