MAGKAKASABWAT ang mining executives, druglords at ilang personalidad sa Amerika sa pagpopondo sa mga pagkilos para pabagsakin ang administrasyong Duterte.
Sa pulong-balitaan kahapon, sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na ginagastusan ng mining executives na nasapol ng kampanya kontra destructive mining ng gobyerno, druglords na tinutumbok ng Oplan Tokhang at ilang sumasakay sa isyu ng extrajudicial killings, ang destabilisasyon laban sa kanyang pamahalaan.
Magiging problema aniya ang mga aktibidad nila kapag naenganyo nila ang mga pulis at militar.
“’Yan tapos meron ako rito the hottest issue of the day is mining. Alam ninyo the Speaker, the Senate President, kayong mga mining, I know you are funding the opposite side alam ko na sino gumagastos sa kanila ‘di ko na lang matandaan. I know some of you are giving funding to destablize me. If the police and military will allow it, that’s the problem,” ani Duterte sa press conference kasama sina Senate President Aquilino “Koko” Pimentel at House Speaker Pantaleon Alvarez.
“Maawa naman kayo sa Filipinas. So the people, alam ko active sila ngayon sa destabilization. Yes sa Amerika madalas, ‘yan they have gained upper hand sa popularity of the issue,” dagdag ng Pangulo.
Tiniyak ng Pangulo na hindi siya maglalabas ng pera para kontrahin ang destabilisasyon laban sa kanya.
“Ako naman bakit ako gagastos? Somebody there is also funding if you want to throw the country to turmoil fine let’s do it,” giit ng Pangulo.
Pero ang babala ng Pangulo sa mga nakabase sa Amerika na kasabwat sa destabilisasyon, huwag tumuntong sa Filipinas dahil tiyak na sasampahan niya ng kasong rebellion.
“Pero ‘wag ka na umuwi rito that’s rebellion actually, topple down a legit government wala naman ako kasalanan, ano kasalanan ko , pumatay ng kriminal? Ano ninakaw ko? Nagtrabaho lang ako ayaw mo ‘di huwag,” aniya.
Muling pinasubalian ng Pangulo ang bintang na siya ang nasa likod ng extrajudicial killings sa bansa, at pinanindigan na ang mga patayan ay kagagawan ng magkakaribal na sindikato ng droga, maliban sa mga lehitimong anti-illegal drugs operations ng pulis at military, alinsunod sa kanyang drug war.
“So much noise about extrajudicial killings, sabi ko wala magtanong kayo ng pulis sa Maynila… they are out of street if they do that kalaban ka kriminal ka nagkaka-ochohan kayo sa negosyo inyo, ‘yan namatay sa kamay ng pulis at military, aking utos ‘yan. ‘Yun sagutin n’yo, doon ako handa pumasok sa presohan, wala nakornihan dito akin, ‘yun I assume full responsibility for it, tatakbo-takbo ka presidente takot ka naman pala, umalis ka,” anang Pangulo.
Nauna nang isiniwalat na sina American billionare George Soros at Fil-Am millionaire Loida Nicolas-Lewis ang nagpopondo para patalsikin siya sa puwesto.
ni ROSE NOVENARIO