ARESTADO ang isang Filipino-American sa mga operatiba ng Police Aviation Security Group makaraang mahulihan ng isang baril at 18 bala sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) terminal 3 kahapon.
Bukod sa Armscor .9mm pistol na nakompiska sa pasaherong si Wilfredo Abelardo, nakuha rin sa bagahe ang dalawang magazine na may lamang 18 bala.
Nasabat si Abelardo habang papasok sa Gate 4 initial security ng nasabing terminal 10:45 am para mag-check in sa Cathay Pacific flight CX900 patungong Hong Kong.
Ayon sa mga awtoridad, sa kabila ng paulit-ulit na babala at warning signs na matatagpuan sa mismong terminal gates, ilan ang patuloy na lumalabag sa batas.
Nang magberipika ang Avsegroup, napag-alaman na walang lisensiya ang baril.
Noong 2015, naglagay ang MIAA management ng booths o cubicle para sa disposal ng ban items sa airport at sa loob ng eroplano, at bilang checking station ng mga bagahe ng pasahero bago sila pumasok sa security screening checkpoints.
Ilan sa ban items na bawal ipasok ang baril, mga bala, kutsilyo, at iba pang bagay na maaaring gawing sandata o deadly weapons.
(JSY)