MALAKAS ang ugong sa Palasyo, dalawang opisyal ng administrasyong Duterte ang umano’y nakuhang padrino ng may-ari ng Mighty Corp., na si Alex Wochungking, kaya ‘daraan sa proseso’ ang kasong economic sabotage na isasampa laban sa kanya.
Ang biglang pagbabago ng ihip ng hangin ay bunsod umano sa impluwensiya ng tambalang tinaguriang “Bonnie and Clyde,” na kilalang malapit sa matataas na opisyal ng Malacañang.
Sinabing ang nag-endoso kina “Bonnie and Clyde” kay Wochungking, ay isang kilalang online gambling lord na si Kim Wong, napaulat na may konek at malakas sa kasalukuyang gobyerno.
Nauna rito, nabulgar na nakasungkit ng mga permit sa offshore online gambling mula sa Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR), ang kompanyang Eastern Hawaii Leisure Co., Ltd., na pagmamay-ari ni Wong.
Napag-alaman, ang Bonnie and Clyde ay “presidential appointees” na naging ‘close’ mula noong panahon ng kampanya ng 2016 presidential elections.
(ROSE NOVENARIO)