NADAKIP ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD), ang dalawang suspek sa pagholdap at pagpatay sa isang kolehiyala nitong 3 Marso 2016, sa follow-up operation kamakalawa.
Sa ulat kay QCPD Director, Chief Supt. Guillermo Lorenzo T. Eleazar, mula kay Supt. Lito E. Patay, hepe ng QCPD Batasan Police Station 6, kinilala ang mga nadakip na sina Gilbert Santiago, 35, at Eric Evangelista, 38, kapwa sca-venger, at residente sa Area 5, Sitio Veterans, Brgy. Silangan, ng nabanggit na lungsod.
Ayon kay Eleazar, sina Santiago at Evangelista ay positibong kinilala ng mga saksi, siyang pumatay sa biktimang si Bernadine Fabula, 19, college student, residente ng Sitio Bakal, Brgy. Bagong Silangan.
Naaresto ang dalawa sa isang bahay sa Sitio Bakal kamakalawa, makaraan ituro ng mga saksi sa krimen.
Matatandaan, nitong 3 Marso, dakong 7:00 pm, naglalakad ang biktima pauwi sa kanilang bahay nang harangin siya ng dalawang suspek.
Sumigaw sa takot ang biktima kaya sinaksak siya sa mukha at sikmura ng mga suspek, at tinangay ang kanyang bag na naglalaman ng bank book at P400 cash.
Isinugod ng ilang saksi ang biktima sa ospital ngunit hindi umabot nang buhay.
(ALMAR DANGUILAN)