MALALIM na imbestigasyon ang ginagawa mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte sa isyu nang pagsuwag ni National Food Authority (NFA) administrator Jason Aquino sa kolektibong desisyon ng Food Security Council, na palawigin ang pag-angkat ng bigas upang matiyak ang seguridad sa pagkain ng bansa.
“I said I am digging, digging deep. I’m not studying, I’m investigating. Kaya nga I said, ‘digging deep,’” ani Pangulong Duterte nang usisain ng media kahapon, hinggil sa report na pagpataw ng disciplinary action ni Cabinet Secretary at National Food and Agriculture Council (NFAC) ex-officio chairman Leoncio “Jun” Evasco kay Aquino, nang mabigong ipatupad ang kautusan ng konseho, na palawigin ang pag-angkat ng bigas, sa bisa ng minimum access volume (MAV) scheme hanggang 31 Marso, na nagtapos noong 28 Pebrero.
Imbes sundin ang pasya ng NFAC, naglabas ng kalatas si Aquino, na kinontra ang kolektibong pasya ng NFAC, na maglalagay sa panganib sa seguridad sa pagkain ng bansa, at nagpalutang sa hilig na ibaon sa utang ang NFA.
Bago naging politiko, si Evasco ay dating pari at kadre ng Communist Party of the Philippines (CPP), na sumusunod sa patakaran ng demokratikong sentralismo (DemSen), na nagpapatupad ng kolektibong desisyon.
Karaniwa’y pinapatawan ng disciplinary action ang sino mang lumalabag sa patakarang DemSen ng CPP.
Ang NFAC ay binubuo ng Cabinet secretary, Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) governor, Development Bank of the Philippines (DBP) chairman, Land Bank of the Philippines (LBP) president, Finance secretary, Trade Secretary, NEDA Director-General, NFA at isang kinatawan mula sa sektor ng magbubukid.
Hindi dumalo si Aquino sa pulong ng konseho noong 28 Pebrero, napagkasunduan na palawigin ang MAV importation sa 31 Marso, upang maisalba ang NFA sa pagkakautang na P167 bilyon, at ibalik sa dating postura ng “self-sufficient” government owned and controlled corporation (GOCC), at may layunin na sugpuin ang rice smuggling.
Sa MAV scheme, ang pribadong sektor ang magbabayad ngunit ang gusto ni Aquino ay go-vernment-to-government importation, na lalong maglulubog sa NFA sa utang, sabi ni BSP deputy governor Diwa Guinigundo.
Sa isang text message ni Executive Secretary Salvador Medialdea kahapon, inihayag na hindi pa sinisibak si Aquino bilang NFA chief.
“Mr. Jason Laureano Y. Aquino remains the Administrator of the National Food Authority (NFA), a position he has held since his appointment last December 29, 2016,” ani Medialdea.
(ROSE NOVENARIO)