NATAGPUAN na ang katawan ng German national, na pinugutan ng ulo ng mga bandidong Abu Sayyaf Group.
Ayon kay Joint Task Group Sulu (JTF-Sulu) commander, Col. Cirilito Sobejana, natagpuan ang bangkay ng biktimang si Juergen Gustav Kantner dakong 5:45 pm kamakalawa sa Sitio Talibang, Brgy. Buanza, Indanan, Sulu.
Nagsasagawa ang JTF-Sulu ng combat, search ang retrieval operations, nang matagpuan ang bangkay ng biktima.
Agad nilang hiniling sa Scene of the Crime Operatives (SOCO), na ipreserba ang crime scene, at magsagawa ng post mortem examination sa katawan ni Kantner.
Posibleng idiresto sa morge ng Kuta Heneral Teodulfo Bautista Hospital ang labi ni Kantner, habang kinukompleto ang mga papeles para ibiyahe.
Pinugutan ang biktima noong 26 Pebrero makaraan mabigong magbayad ang kanyang pamilya ng P30 milyon ransom.