MAY tsansa nang ipakita ng mga kabataang aktibista ang kanilang pagmamahal sa bayan, kapag nagpasya na silang iwan ang kilusang protesta at pumasok sa Philippine National Police (PNP).
Sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte sa press conference kahapon sa Palasyo, inutusan niya si PNP chief Director General Ronald “Bato” dela Rosa, na mag-recruit ng mga bata at makabayang pulis para isabak sa drug war ng kanyang administrasyon.
“I have ordered Bato to recruit young men in the PNP imbued with the fervor of patriotism to be the members only of the task forces. Every station should have one pero piling-pili, ‘yung walang kaso at walang history ng corruption,” anang Pangulo.
Aniya, kulang ng tao ang awtoridad dahil sabay-sabay ang kampanya kontra illegal drugs at terorismo.
“I have to do it because I lack personnel. I am also, I said, fighting also the NPA and I have this problem in Mindanao about terrorism and drugs so I need personnel. I have to call back the police again to do the job, most of the time, on drugs,” dagdag niya.
Nilinaw ng Pangulo, ang operasyon laban sa illegal drugs ng pulisya at military ay pangangasiwaan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Noong nakalipas na buwan, ipinatigil ni Pangulong Duterte ang drug war ng kanyang gobyerno, makaraan masangkot sa pagpatay sa negosyanteng South Korean ang mga operatiba ng anti-illegal drugs group ng PNP.
ni ROSE NOVENARIO