NAPILITANG mag-divert sa Manila at mag-emergency landing sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang Korean Air flight patungong Incheon mula Singapore, bunsod ng technical problem, kahapon ng umaga.
Ayon sa ulat mula sa Manila International Airport Authority (MIAA), ang flight KE644, may lulang 290 pasahero at 42 crew, ay ligtas na lumapag dakong 2:05 am.
Ayon sa MIAA, iniulat ng flight crew ng KE644, na ang cockpit ay naglabas ng alarma, nagsasaad ng problema sa passengers’ cabin.
Ang aircraft ay may passenger cabin security alert system upang maalerto ang mga piloto sa flight deck, sa potensiyal na delikadong sitwasyon sa passenger cabin.
Agad inabisohan ng flight crew ang pinakamalapit na international airport sa Maynila, gayondin ay humiling ng clearance para sa emergency landing.
Mabilis na nagresponde ang airport emergency teams, at fire and rescue division nang lumapag ang eroplano, habang ang aircraft engineers at technicians ay ininspeksiyon ang cabin upang madertemina ang sanhi ng problema.
Ayon sa MIAA, dinala nila ang lahat ng mga pasahero at crew sa NAIA terminal 1 para sa kanilang kaligtasan dakong 2:55 am, habang masusing ininspeksiyon ang eroplano.
Sinabi ng MIAA, nabatid ng aircraft technicians na ang problema ay sa “QSEB Box Seat 14B” ng eroplano, ngunit hindi nagbigay ng iba pang detalye.
Dakong 4:10 am, sinabi ng MIAA, ang flight KE644 ay pinahintulutang lumipad makaraan matiyak ng aircraft technicians na wala nang problema, at idineklarang ligtas nang bumiyahe ang eroplano. (JSY)