INILAGLAG ng militar si Communications Secretary Martin Andanar nang ikaila ang pahayag niya na may mga pagkilos para pabagsakin ang administrasyong Duterte.
Sa press conference sa Camp Aguinaldo kahapon, sinabi ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Spokesman Edgard Arevalo, wala silang na-monitor na anomang pakana para patalsikin ang pamahalaang Duterte.
“Based on our monitoring, negative. We have not monitored any destabilization attempt that will be done on this government of President Duterte,” aniya.
Kamakalawa ay inihayag ni Andanar na bahagi ng pangmatagalang dramang politikal na may layunin na siraan si Pangulong Rodrigo Duterte at pabagsakin ang administrasyon ang pagsasangkot ni ret. SPO3 Arthur Lascañas sa Punong Ehekutibo sa extrajudicial killings sa Davao City na umano’y kagagawan ng Davao Death Squad.
May nag-alok pa aniya ng $1,000 suhol sa mga dumalo sa press conference ni Lascañas sa Senado na inalmahan ng Senate reporters na nagpunta sa okasyon.
“With regard to the pronouncement of Secretary Andanar, we may not have in possession any information yet which he might have access to,” sabi ni Arevalo.
Pinanindigan kahapon ni Andanar na ang $1,000 bribe offer sa press conference ni Lascañas ay batay sa “classified intelligence report” na kanyang natanggap.
(ROSE NOVENARIO)