APEKTADO at bumagal ang proseso sa bawat pasaherong dumaraan sa Immigration counter sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) terminals sa isinagawang work slowdown kahapon.
Dahil sa work slowdown ng BI employees, iniulat na umabot sa 20 hanggang 30 minutos bago matapos ang trasanksiyon ng mga pasahero.
Isinagawa ang work slowdown sanhi nang hindi pagbabayad sa overtime pay para sa mga kawani ng BI na naka-assign sa pangunahing paliparan ng bansa.
Maliban sa paisa-isang duty ng immigration officer sa counter sa departure at arrival, kadalasan ay nababakante ang ibang counter dahil marami sa mga kawani ay on-leave.
Bukod sa overtime pay, marami rin umanong immigration officers na casual ay nadi-delay ang suweldo simula pa noong Enero.
Ayon kay Red Mariñas, gumagawa ng paraan ang management na maibalik sa mga kawani ang naturang overtime pay pero inamin niyang nilalakad pa sa Department of Budget and Management ang pondo.
Aniya, ang slowdown ay resulta ng isyu ng overtime pay, “coming from the express lane fund that our manageent is still working on with DBM.”
“But rest assured that our officers will continue discharging their duties and functions to man our airports,” paniniguro ni Marinas.
Magugunita, noong nakaraang administrasyong Aquino, tinanggal ang overtime pay ng Customs, Immigration at Quarantine na ibinabayad ng airline companies.
Ginawan ito ng paraan para mabayaran ang kanilang overtime nang mangako ang dating administrayon na akuin ang pagbabayad ng overtime sa mga apektadong kawani. (JSY)