TINIYAK ng Malacañang, nananatili ang “trust and confidence” ni Pangulong Rodrigo Duterte, sa tatlong makakaliwang miyembro ng gabineteng sina DSWD Sec. Judy Taguiwalo, DAR Sec. Rafael Mariano, at NAPC chairperson Liza Maza.
Kasabay nito, ikinagalak ng Malacañang ang pahayag nina Taguiwalo, Mariano at Maza, na mananatili sila sa gabinete, sa kabila nang pagkansela ni Pangulong Duterte sa peace talks sa CPP-NPA-NDF.
Sinabi ni Presidential Spokesman Ernesto Abella, pinili sila ni Pangulong Duterte bilang alter-egos, dahil naniniwala siya sa kakayahan nilang mag-serbisyo at mag-deliver ng basic social services sa sambayanang Filipino.
Ayon kay Abella, makaaasa ang lahat na patuloy ang pagpapatupad nila ng socio-economic reforms, para maresolba ang kahirapan at magkaroon nang patas at pangmatagalang kapayapaan.
Magugunitang sina Taguiwalo, Mariano at Maza ay inirekomenda ng NDF kay Pangulong Duterte, at bahagi ito ng confidence-building bago simulan noon ang formal peace talks.
“We are pleased to hear that DSWD Sec. Judy Taguiwalo, DAR Sec. Rafael Mariano and NAPC Lead Convenor Sec. Liza Maza will stay in the Cabinet despite the scrapping of peace talks with the CPP-NPA-NDFP,” ani Abella.
“The President chose them as his alter egos because he believes in their capacity to serve and deliver sustainable basic social services to the Filipino people. They all enjoy the President’s trust and confidence.”
ni ROSE NOVENARIO