PATAY ang dalawang lalaking basag-kotse nang pagbabarilin ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD), makaraan biktimahin ang isang negosyante sa Brgy. Old Capital Site, Quezon City, kahapon ng madaling-araw.
Sa ulat kay QCPD director, Chief Supt. Guillermo Lorenzo T. Eleazar, naganap ang shootout ng mga suspek at mga operatiba ng District Special Operation Unit, Anti-Carnapping (ANCAR) Section, dakong 1:10 am sa Maharlika Street, Quezon City.
Samantala, patuloy pang inaalam ng pulisya ang pagkakakilanlan ng dalawang suspek, agad binawian ng buhay sa pinangyarihan ng insidente.
Nauna rito, habang nagpapatrulya ang mga tauhan ng ANCAR sa Maginhawa St., namataan nila ang dalawang suspek na lulan ng isang motorsiklong walang plaka, huminto sa tabi ng isang nakahimpil na itim na Kia Rio sa harap ng Leyzam Construction Supply.
Bumaba ang nakaangkas at binasag ang bintana ng Kia at saka tinangay ang mahahalagang kagamitan mula sa loob ng sasakyan bago tumakas.
Agad hinabol ng mga operatiba ang dalawa hanggang sa makorner sa kanto ng Masaya St. at Maharlika St. malapit sa NHA Bldg., Brgy. Old Capitol Site.
Pinasusuko ng mga pulis ang mga suspek, ngunit pinaputukan sila kaya gumanti ang mga operatiba, nagresulta sa pagkamatay ng dalawa.
Narekober sa mga suspek ang isang Honda XRM, dalawang kalibre .38, pitong side mirror, black bag, wallet na may lamang SSS at BIR ID ng may-ari ng kotse na si Andrea Madrigal, IPod, isang pares ng sapatos at P212 cash.
Ayon kay Madrigal, 26, ng Tondo, Maynila, iniwan niya ang kotse sa lugar dakong 12:10 am at nagtungo sa Padi’s Point.
(ALMAR DANGUILAN)