APAT na oras makaraan paliguan ng mura ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mahigit 200 pulis na pasaway ay naglabasan sila na nagtatawanan, at nakipag-selfie pa kay Philippine National Police (PNP) chief, Director General Ronald “Bato” dela Rosa.
“Maghanap kayo ng mali para magkapera. Gusto ko kayong ihulog diyan p******nang Pasig na iyan. Pero huwag na lang kasi itong Human Rights kung anong nakikita naman sa buhay ng isang taga-gobyerno na gustong disiplinahin kayo. Gusto ko palinisin ko kayo ng … magbalik kayo dito, mag-swimming trunks, linisin ninyo iyong Pasig River. Inumin ninyo kasi madumi, p******na kayo,” ani Duterte kahapon sa Palace grounds, habang kaharap ang mga naka-tikas pahingang mga pulis.
Aniya, ipadadala niya sa Basilan ang mga nasabing pulis , dalawang taon na matatalaga roon at bahala na sila kung makauuwi pa ng buhay sa kanilang mga pamilya.
Sakali aniyang mamatay sa Basilan ang mga naturang pulis ay hindi na niya ipadadala pa sa Metro Manila ang labi sa pamilya dahil magastos.
“Iyang ano, bata pa naman kayong lahat, kailangan ko ng pulis sa south. Kulang ang pulis sa Basilan kasi maya’t maya pinagpaputuk-putok iyong mga istasyon doon, nauubos. Kayong lahat ngayon nandito, kasali kayo sa Task Force South. Padala ko kayo sa Basilan. Tumira kayo doon ng mga dalawang taon. Kung lumusot kayo buhay, balik kayo dito. Kung doon kayo mamatay, sabihin ko sa pulis, huwag nang magastos na para dalhin pa kayo dito; doon na kayo ilibing. Wala naman kayong mga …. Doon ninyo ipakita iyong kalokohan ninyo,” aniya.
Ang plano ni Duterte noong nakalipas na linggo ay ipalinis sa mga pasaway na pulis ang Ilog Pasig ngunit kahapon ay biglang nagbago ang kanyang isip at hindi itinuloy.
Napag-alam, wala ang narco-cops sa listahan ni Duterte, ang nagpunta kahapon sa Malacañang at ang kaso ng mga humarap sa Presidente ay tardiness , extortion, at hulidap.
(ROSE NOVENARIO)