Saturday , November 16 2024

JASIG tuluyang ibinasura ng GRP (Benito, Wilma Tiamzon nakabalik na sa PH)

020817_FRONT

IPINAWALANG bisa ng gobyernong Duterte ang safe conduct pass ng 181 National Democratic Front (NDF) consultants at guerilla leaders na magbibigay-daan sa pagdakip sa kanila ng awtoridad.

Sinabi kahapon ni Presidential Adviser on the Peace Process Jesus Dureza, ipinadala niya sa NDF ang notice of termination ng Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG).

Ito aniya ay alinsunod sa pahayag kamakalawa ni Pangulong Rodrigo Duterte na kanselado na ang peace talks.

Ayon kay dating NDF consultant at dating Bayan Muna party-list Rep. Satur Ocampo, isang buwan makaraang matanggap ng NDF ang notice of termination mula sa gobyernong Duterte ay saka lang magiging epektibo ang pagpapawalang bisa ng JASIG.

Ani Ocampo, dapat linawin ng gobyernong Duterte ang mga dahilan kung bakit ibinasura ang JASIG at dapat palayain si Ariel Arbitrario, NDF consultant na inaresto sa Davao kamakalawa dahil may bisa pa ang hawak niyang safe conduct pass.

Matatandaan, noong Agosto 2016 ay nagkasundo ang pamahalaang Duterte at NDF na bumuo ng bagong listahan ng consultants ng kilusang komunista na magiging immune sa pag-aresto, alinsunod sa JASIG.

Sa kalatas noon ng Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP), nakasaad na ipinaalam ng NDF leaders sa government panel na makakasama sa  listahan ang pangalan ng 54 consultants na klasipikado bilang “publicly-known” at 87 guerilla leaders na gumagamit ng nom de guerre o assumed names at nasa underground pa rin ngunit kabilang sa mga kinokonsulta sa peace process.

Nabatid kay Ocampo na sinertipikahan ang listahan ni GRP panel chief Silvestre Bello III at nakatago ang dokumento sa The Hague, Netherlands, sa tanggapan ng NDFP.

Kaugnay nito, inihayag ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na pabor siya na idaan sa back-channel ang negosasyong pangkapayapaan.

“Oh yes, I am in favor. Anything that will further peace in our country, I am in favor of that,” tugon niya nang tanungin kung pabor sa back-channel talks.

Samantala, kinompirma ni Bureau of Immigration (BI) Port Operations Division (POD) chief Red Mariñas, sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) terminals, na nakabalik na ang mag-asawang sina Benito at Wilma Tiamzon, chairman at secretary general ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA), noong 31 Enero 2017, at ang iba pang consultants ng usapang pangkapayapaan.

Ang mga miyembro ng NDF/CPP-NPA ay hindi inaresto nang dumating mula sa ibang bansa, makaraan ang usapang pangkapayapaan sa government panel.

Iniutos ni Pangulong Rodrigo Duterte, ang muling pag-aresto sa NDF consultants, ilang araw makaraan ang pagpatay sa ilang sundalo.

Sinabi ng National Democratic Front of the Philippines, ang lahat ng 17 consultant, pinalaya noong Agosto ng nakaraang taon, at lumahok sa usapang pangkayapaan sa Oslo at Rome, ay nakabalik na sa bansa at hindi nagtatago.

Kabilang sila sa 22 consultants, unang tinukoy ng NDF, ang political wing ng CPP, na lumahok sa peace talks ng pamahalaan at rebeldeng komunista, sa layong tuldukan ang limang dekadang labanan.

Isang araw makaraan alisin ang unilateral ceasefire, inianusiyo ni Pangulong Duterte kamakalawa ng gabi, ang pagtigil sa formal peace negotiations sa rebeldeng komunista.

Sinabi ni Duterte, iniutos niya sa government peace panel na mag-empake at umuwi na sa bansa.

Giit ng NDF
HINULING PEACE CONSULTANT
SA DAVAO PAKAWALAN

DAVAO CITY – Nanawagan ang National Democratic Front of the Philippines (NDFP), sa paglaya ng kanilang  peace consultant, na hinuli ng militar sa checkpoint sa Toril, sa lungsod ng Davao.

Ayon kay  NDFP peace panel chairperson Fidel Agcaoili, ang paghuli  kay Ariel Arbitrario at sa kasamahan, ay isang paglabag sa usapang pangkapayapaan.

Magugunitang sinita si Arbitrario sa checkpoint ng Task Force Davao, kamakalawa at inaresto.

Habang depensa ni Army commander, Brig. Gen. Gilbert Gapay, ng Task Force Haribon, ang kasama ni Arbitrario na si Roderick Mamuyac, ay may standing warrant dahil sa kasong murder.

Ngunit umalma ang NDFP sa paghuli kay Arbitrario, pinalabas sa kulungan noong ng Agosto nitong nakaraang taon, nang makapaghain ng piyansa.

Paliwanag ni Agcaoili,  nakadalo ang kanilang peace consultant sa isinagawang  formal talks sa Oslo, Norway noong 22 Agosto  2016.

Sinabi ni Anak Pawis-Rep. Ariel Casilao, nakaaalarma ang paghuli kay Arbitrario lalo na’t nasa ilalim ang consultant sa Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG), at hindi maaaring hulihin kung ginagawa ang kanyang  trabaho at responsibilidad sa peace negotiations.

nina ROSE NOVENARIO/JSY

About Rose Novenario

Check Also

Erwin Tulfo

Tulfo una sa bagong survey

NANGUNA si ACT-CIS party-list Rep. Erwin Tulfo sa pinakabagong senatorial preference survey na isinagawa ng …

Senate PCO

Seminar vs fake news hikayat ni Pimentel sa PCO para sa Senado

INIMBITAHAN ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III ang Presidential Communications Office (PCO) na …

Las Piñas Seal of Good Local Governance

Las Piñas City pinarangalan ng Seal of Good Local Governance 2024 ng DILG

SA KAUNA-UNAHANG PAGKAKATAON, pinarangalan ang Las Piñas City ng prestihiyosong Seal of Good Local Governance …

Siling Labuyo

Apela ni Kiko  
BANTAY SILING LABUYO, PRICE FREEZE SAKLAWIN

MAHIGPIT na implementasyon ng price freeze ang kailangan upang mapigil ang pagtaas ng presyo ng …

Black

Iwasan, mga kaalyado ni Duterte sa eleksiyon

ISANG grupo ng mapagmalasakit na Filipino ang umaapela sa mga botante na pumili ng kandidatong …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *