UMABOT sa 15 terorista ang patay habang pito ang sugatan sa panibagong operasyon ng militar laban sa teroristang grupo sa Butig, Lanao del Sur nitong Huwebes, iniulat ng pamunuang ng Armed Forces of the Philippines (AFP) kahapon.
Ayon kay AFP Public Affairs Office (PAO) chief, Marine Col. Edgard Arevalo, kabilang sa napatay ang isaNG banyagang terorista, mga kasamahan ni ASG Leader Isnilon Hapilon mula Basilan, ilang miyembro ng Maute terror group, at iba pang mga local terrorist na nag-o-operate sa lugar.
Ito ay makaraan ang inilunsad na air strike ng militar, hatinggabi ng 26 Enero sa pinagkukutaan ni Hapilon.
Sa report ni Wesmincom commander, Major Gen. Carlito Galvez kay AFP chief of staff Eduardo Año, kabilang sa 15 napatay na bandido ay kinilalang si Mohisen, isang Indonesian terror suspect, at dalawang local terrorist na sina Sahl Num at isang alyas Sadat.
Dalawa sa pitong sugatang bandido ay kinilalang sina Amirul, isang Emir, at si Isnilon Hapilon.
Ayon kay Gen. Año, maaga pa para ipagbunyi ng militar ang bilang ng casualties sa hanay ng bandidong grupo.
(ROSE NOVENARIO)
Para tugisin si Hapilon
2 BATALYON IDINAGDAG
SA LANAO SUR
NAGDAGDAG ng dalawa pang batalyon ng mga sundalo sa Lanao del Sur para tugisin si Abu Sayyaf Leader Isnilon Hapilon, at ang iba pang teroristang grupo, partikular ang Maute terror group.
Sa inilunsad na military assault, iniulat na malubhang nasugatan si Hapilon.
Ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana, batay sa latest information na kanilang nakuha, ikinakarga sa isang stretcher ang sugatang ASG leader.
“Last report was that Hapilon is still being carried around in stretcher,” wika ni Lorenzana.
Inihayag ni Lorenzana, nagpapatuloy ang opensiba ng militar laban sa grupo ni Hapilon.
Nagtungo sa Butig si Hapilon para roon itaguyod ang grupong ISIS at nakipag-alyansa sa Maute terror group.
Si Hapilon ay kabilang sa most wanted list ng Estados Unidos, may $5 million reward kapalit ng kanyang nutralisasyon.