SA kabila ng mga naglabasang negatibong issue na kinakaharap ng Philippine National Police (PNP), hindi ito natitinag at patuloy ang kanyang serbisyo sa mamamayan, ito ang siniguro ng pangalawang mataas na namumuno sa PNP Police Community Relations Group na si PSSupt Mario Rariza, ang PCRG Deputy Director for Administration.
Matagal ko na ring hindi nabibisita ang PCRG, na naaalaala ko pa sapagkat sa loob ng isang taon, naging Chief ako ng Production Branch nito noong circa 80. Sa kabutihang palad, nagkita kami ni Koyang Mario at napunta ang usapan namin sa mga hakbangin ng PNP hinggil sa mga police-community relations effort nito sa buong pulisya.
Hindi na bago ang proyektong film festival sa PNP sapagkat meron na ring ganitong proyekto ilang taon na ang nakararaan ngunit sa pagkakataong ito ay tungkol naman sa pakikibaka ng bansa laban sa nakamamatay na ilegal na droga.
Ani Rariza, ang proyektong ito ay kaakibat ng Project Double Barrel ni CPNP PDG Ronald dela Rosa at ito ang left-hand effort kaalinsabay sa teknikal na opensiba o police action na mas kilala sa salitang OPLAN TOKHANG.
Ito ay kompetisyon ng mga mag-aaral sa iba’t ibang kolehiyo at unibersidad sa buong bansa na ang punto ay ipamulat sa mga kabataan ang epekto ng ilegal na gamot at muling sariwain sa kanila ang tungkuling-sosyal sa buong kabataan na ngayon ay pangunahing biktima ng nakalulong na droga.
Dagdag ni Rariza: “Ito koyang ang katalista na magbibigay ng buong karapatan sa mga responsableng kabataan na imulat sa pamamagitan ng sining o pelikula ang maraming karanasang pabigat sa kanilang pagtahak sa paging “kabataan na siyang pag-asa ng bayan.”
Sila mismo ang mga mag-aaral na gagawa ng sariling saliksik at sa mga dumanas na nagbabago o nagbago na ay sila ang makapagmumulat ng sama o maling dulot ng illegal drugs. Tumpak si Koyang Mario sapagkat sa porsiyento ng mga mag-aaral sa henerasyong circa 60 hanggang ngayon, mayroon at mayroong nakaranas ng pagsubok alinman sa marijuana, cough syrup, LSD, ecstacy pills, meth at iba pang uri ng illegal drugs.
Ang mga magulang ng ating kabataan mismo ang pupuri sa mga gawa nila kapag ito ay maipapalabas sa telebisyon at maaaring sa malalaking telon sa mga sinehan, mariing ipinagmalaki ni Rariza.
Pararangalan din ang kani-kanilang mga eskuwelahan sa pagpili ng mga mananalo at mayroong tiyak na gantimpala at tropeo na magtatanghal sa kanila bilang stakeholders sa nasabing socio-civic oriented project. Ang PNP Anti-Illegal Drugs Filmfest, kung ‘di ako namamali ay nasa stage of preparation and coordination na at sa Febrero ng susunod na taon gaganapin ang judgment day, ‘ika nga.
Para sa lahat ng mga babasa ng ulat kong ito, isa lang ang hiling ng Koyang ninyo: Ipagpatuloy natin ang paniniwala at huwag tayong manlalamig sa ating mga pulis sapagkat sila ang ating pag-asa para sa matahimik at maayos na pamayanan.
Suportahan natin ang ating PNP!
SOUNDING BOARD NI KOYANG – Jesus Felix B. Vargas