NAMAMANGKA sa dalawang ilog o salawahan kay Pangulong Rodrigo Duterte ang isang mataas na opisyal ng Palasyo.
Sinabi ng source sa Hataw, nakita kamakailan na magkasama sa isang restoran ng five-star hotel ang Palace executive at isang ‘kontrobersiyal’ na alkalde sa Metro Manila.
Anang source, narinig na idinidiga ng alkalde sa Palace executive na tulungan siyang kombinsihin si Pangulong Duterte na tulungan ang kanyang kaanak na may kinakaharap na kasong pandarambong.
“Hindi na nahiya ang Palace official, mantsado ng korupsiyon ang kausap niyang mayor at alam ng lahat na isa sa mga mayor na minura ni President Duterte sa Malacañang,” giit ng source.
Nauna rito, may intelligence report, ang mayor na kaututan-dila ng Palace executive ay may komitment sa pangkat ng “Yellowtards” na maghahakot ng hanggang 10,000 katao para dumalo sa mga kilos-protestang ikinakasa ng mga grupong nais pabagsakin ang administrasyong Duterte.
“Delikado pala si President Duterte sa mga taong binigyan niya ng sensitibong posisyon sa kanyang administrasyon, kalahating taon pa lang sila sa poder ay inaahas na siya,” dagdag ng source.
Mensahe ng source sa Palace executive, “IWANAN MO NA” si President Duterte kung may iba kang agenda sa gobyerno.”
(ROSE NOVENARIO)