BILIB pa rin si Pangulong Rodrigo Duterte sa kakayahan ng “mainstream media” na ihatid ang tamang balita sa kabila nang pagbatikos ng kanyang communications secretary sa ilang mamamahayag na binabaluktot ang ulat upang pumatok sa publiko.
Sa kanyang talumpati matapos inspeksyonin ang mga pabahay para sa mga biktima ng super typhoon Yolanda kahapon sa Tacloban City, inihayag ng Pangulo na magsasama ng kagawad ng media ang mga pulis sa kanilang operasyon laban sa illegal drugs upang masaksihan ang tunay na kaganapan.
Ito aniya ay upang mawala ang duda ng human rights advocates na sadyang pinapatay ng mga pulis ang mga target ng kanilang anti-illegal drugs operations.
“Sa human rights, every operation (ng pulis) magdala sila ng media.Sino ba gusto pumatay ng tao?
Bilang Punong Ehekutibo ay tungkulin aniya ng Pangulo na bigyan proteksiyon ang mga pulis lalo na’t mula nang ilunsad niya ang drug war ay 33 pulis at 19 na sundalo ang namatay.
“I have to protect the police,” anang Pangulo.
“Extrajudicial killing? Makinig kayo I lost 33 policemen so far, I lost soldiers 19 mag-back-up sa police sa Mindanao,” aniya.
Sa panayam kay Andanar ng isang blogger sa Los Angeles ay binatikos niya ang ilang mamamahayag sa “mainstream media” na binabaluktot ang titulo ng balita upang mabili kahit pa makalikha ito ng agam-agam sa publiko.
Giit niya, sa panahon ngayon ay hindi na binabasa ang buong balita sa mga diyaryo.
Kamakailan ay umalma ang Malacañang Press Corps (MPC) sa bintang ng Palasyo na mali ang pagbabalita sa pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay sa martial law.
Binigyan-diin ng MPC na walang obligasyon ang media na bigyan kasiyahan ang sources ng balita dahil ang katapatan ng mamamahayag ay sa mga mamamayan, ang mga maapektohan ng mga aksiyon ng mga tao na mas makapangyarihan sa kanila.
Hinimok ng MPC si Andanar at kanyang mga opisyal na basahin ang kabuuan ng mga napalathala, naiereng balita, hindi lang ang mga titulo nito upang mas maunawaan ang coverage ng media sa Pangulo.
Anang MPC, nakababahala ang pagkahilig ng mga opisyal ng administrasyong Duterte na sisihin ang media tuwing may kontrobersiyal na pahayag ang Pangulo.
Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel (CPLC) Salvador Panelo, hindi pinag-uusapan sa cabinet meeting ang mga opinyon ni Andanar hinggil sa mainstream media, at MPC pati na ang pagkiling sa bloggers, kahit pa nagsusulat sa isang broadsheet at inilalako ang ASEAN sa mga estasyon ng TV, radio at dyaryo na bahagi ng mainstream media.
“Nobody has talked about it, not even in the cabinet , not even extra cabinet meeting,” ani Panelo. Kaugnay nito, nagtataka ang ilang kasapi ng MPC sa naging panukala dati ni Andanar na maging miyembro ng grupo ang bloggers gayong ang MPC ay isang independent non-government organization ng mga mamamahayag mula sa mainstream media.
(ROSE NOVENARIO)