CABANATUAN CITY – MASOSORPRESA na lang ang sambayanang Filipino kung isang araw ay nasa ilalim na ng batas militar ang buong bansa.
Sa kanyang talumpati sa ika-20 anibersaryo ng Premiere Medical Center sa siyudad, nagbabala ang Pangulo na hindi siya magbibigay ng ano mang pahiwatig sakaling magpasiya na siyang magdeklara ng martial law.
Aniya, wala talaga siyang planong magdeklara ng batas militar ngunit kung ito ang makapagbibigay ng proteksiyon sa bayan, gagawin niya ito ngunit magiging sorpresa o biglaan.
Nagbanta ang Pangulo na magkakaroon ng constititutional crisis sa bansa kapag nangyari ito dahil magbabanggaan ang dalawang co-equal branch ng ehekutibo, ang hudikatura at lehislatura kaya siya lang ang puwedeng pinal na magpasya at mag-interpret sa batas.
“The President can declare martial law. But, any citizen of this country can bring a petition to the Supreme Court to question on the legal basis of declaring martial law. But in the same paragraph, the President in 60 days, should go to Congress for an extension if he wants to, if he wants to complete the slaughter.”
“Ngayon pagdating ng Supreme Court, it is business. It does not mount to any legal reason. E ang Congress, sabi go ahead, it is the national security which is at stake. E kung magbangga ang dalawa, hindi mag-agree? Congress are bedfellows, politiko e, o ngayon who decides now, sabi ng SC ‘wag, sabi ng Congress yes, who decides, can you answer my questions? So ako.”
“It will encourage me to become a despot. Because I now can interpret the law itself and it is final, e nag-aaway kayo ‘yan ang ibig kong sabihin. E etong ano… hindi ako magde-declare ng martial law at kung mag-declare ako ng martial law, hindi ako mag-iingay at kung magtanong kung anong basis, tangina hindi ako mag-iingay basta tumahimik kayong lahat,” paliwanag ng Pangulo.
Sinang-ayonan ng Pangulo ang opinyon ng militar na wala pang matibay na dahilan sa kasalukuyan para magdeklara siya ng martial law dahil ang nangyayari sa Mindanao ay “a pure case of rising nationalism.”
“Sino bang gagong presidenteng mag-declare ako martial law, Supreme Court puwede ba to, congress. Basta ako, it is not found in the constitution, it is not written there but if I feel as president that I have to preserve my country, I will declare martial law. Pero kung sinabi ko na peace and order, tama ang military. There is no compelling reason coming as the days to come. Its ISIS coming days to come and itong Mindanao is a pure case of rising nationalism,” giit niya.
Mataandaan, bago magdeklara ng batas militar si dating Pangulong Ferdinand Marcos noong 21 Setyembre 1972 ay nangyari ang Plaza Miranda bombing, naging marahas ang dispersal sa mga kilos-protesta at tinambangan si noo’y Defense Minister Juan Ponce-Enrile.
Makaraan ang EDSA 1 na nagpabagsak sa gobyernong Marcos, ay inamin ni Enrile na peke ang ambush sa kanya at ginawa ito upang bigyan daan ang batas militar.
ni ROSE NOVENARIO