PLANO ng Department of Trade and Industry (DTI) na unahing pautangin ang maliliit na negosyante sa malalayong probinsya.
Kasunod ito pahayag ng Department of Justice (DOJ) laban sa 5-6 o ang sistema ng pagpapautang ng mga Bombay.
Sinabi ni DTI undersecretary Teodoro Pascua ng Consumer Protection Group, inaayos nila ang paraan kung paano pauutangin ang maliliit na negosyante.
Ang pondo ay idaraan sa micro lending institutions at ang tubo ay hindi lalagpas sa 26 porsiyento kada taon o hindi tataas sa tatlong porsiyento kada buwan.
Gayonman, inilinaw ng opisyal, hindi tuluyang pagbabawalan ng ahensiya ang mga Bombay na magpautang ng 5-6 ngunit makikipagkompetensiya ang ahensiya sa kanila.
Puwedeng pahiramin ng DTI ang mga may-ari ng small businesses mula sa minimum na P5,000 hanggang sa maximum na P300,000.
Karaniwang suki ng mga nagpapautang ng 5-6 ang maliliit na mga negosyante. Kamakailan, sa pakikipagpulong ni DFA Secretary Perfecto Yasay kay Narayanan Ramakrishnan, ang Charge d’ affaires ng India sa Maynila, siniguro niyang walang partikular na nasyonalidad o ethnic group ang target ng administrasyong Duterte sa planong pag-alis sa sistemang pautang na 5-6. Pagtitiyak ni Yasay, nais nilang mabawasan ang 5-6 activities sa bansa nang walang sino mang mape-prehuwisyo.
(JAJA GARCIA)