INAPROBAHAN ni Pangulong Rodrigo Duterte ang P1,000 umento sa pensiyon ng dalawang milyong retiradong miyembro ng Social Security System (SSS) simula sa Pebrero ngunit papasanin ito ng mga aktibong miyembro na itataas sa 1.5% ang buwanang kontribusyon simula Mayo 2017.
Sa press briefing sa Palasyo, sinabi ni Presidential Spokesman Ernesto Abella, ang pasya ng Pangulo ay nabuo sa Ca-binet meeting kamakalawa ng gabi.
“Regarding the SSS pension increase, the Pre-sident has approved a P1,000 pension increase this month, with a corres-ponding 1.5 percent contribution rate hike in May 2017 and increase in monthly salary credit to P20,000 based from P16,000,” ani Abella.
Tumanggi si Pangulong Duterte na gamitin ang pondo ng gobyerno para tustusan ang pension hike dahil ang SSS ay isang private pension fund.
Ani Abella, hanggang noong Oktubre 2016 , ang kabuuang assets ng SSS ay P487 bilyon, tinata-yang aabot pa hanggang sa taon 2042.
“In this regard, the funds covering the increase will be through current contributions and investment reserved fund. The President is not amenable to using taxpayers’ money to fund pension increase since the SSS is a private pension fund. Its total assets are P487 billion as of October 2016 and its fund life is until 2042,” ani Abella.
Layunin aniya ng Pangulo na tuparin ang kontratang panlipunan sa mga Filipino, lalo sa mga matatanda at maralita.
Sinabi ni Amado Valdez, chairman ng SSS, makatatanggap ng dagdag na P1,000 muli ang mga pensiyonado sa taon 2019 , kapag may kakayahang pinansiyal ang private pension fund na ipagkaloob ito.
Tiniyak ni Valdez, hindi mauulit ang nangya-ring pagkasangkot sa katiwalian ng matataas na opisyal ng SSS gaya nang ginawa ni ousted president at convicted plunderer Joseph “Erap” Estrada na inutusan ang president at chairman ng SSS na si Carlos Arellano noong 1999 na gamitin ang P900 milyong pondo ng SSS para ipambili ng shares ng Belle Corporation, isang korporasyon na sangkot sa jail-alai at pagmamay-ari ni Dante Tan na presidential crony.
Matatandaan, kasama sa plunder case ni Erap ang nasabing ilegal na transaksiyon na sina-bing pinanggalingan ng P189.7 milyong kickback.
Inilahad ni Valdez ang aniya’y malinis na track record ni SSS President Emmanuel Dooc bilang garantiya na hindi mauulit ang katiwalian ni Erap sa private pension fund.
ni ROSE NOVENARIO