BAHALA ang Department of Foreign Affairs (DFA) na maghain ng diplomatic protest sa US Embassy laban kay Fil-Am billionaire Loida Nicolas-Lewis at ideklara siyang persona non grata sa Filipinas dahil sa pagpopondo at pag-uudyok ng destabilisasyon laban kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinabi ni Secretary to the Cabinet Leoncio Evasco Jr., sa isang chance interview kahapon sa Palasyo, hindi tama ang pakikialam ni Nicolas-Lewis sa internal na usapin ng bansa lalo ang pagtustos para pabagsakin ang gobyerno.
Sa diplomasya, ang Latin term na persona non grata ay tumutukoy sa isang dayuhan na ang pagpasok o pananatili sa isang bansa ay ipinagbabawal ng umiiral na gobyerno.
Muling umugong ang pangalan ni Nicolas-Lewis nang naging kontrobersiyal ang ‘Lenileaks’ o ang pagligwak ng pag-uusap sa social media ng Yahoo group na Global Filipino Diaspora Council (GFDC) na nag-uugnay sa Office of the Vice President sa destabilisasyon laban kay Duterte.
Kabilang sa mga prominenteng kasapi sa GFDC group ay sina Nicolas-Lewis, kapatid niyang si Commission on Filipinos Overseas (CFO) Imelda “Meldy” Nicolas, CFO Commissioner Jose Molano Jr., Inquirer US Bureau columnist Ted Laguatan, ABS-CBN Europe News Bureau correspondent Atty. Gene Alcantara at Northern Europe civil society leader Filomena Mongaya Hogsholm.
Nabatid na ang basehan sa pag-uudyok ni Nicolas-Lewis na pababain sa puwesto si Duterte ay paghirit ng pangulo ng dagdag na tatlong buwan para tuldukan ang problema sa illegal drugs ng bansa makaraan mabigo na tuparin ang pangako na tatapusin ito sa unang anim na buwan sa Palasyo.
Sinabi ni National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr., hindi dapat nag-aapura ang pangkat ni Nicolas-Lewis dahil ang mga bumoto kay Duterte para maging Pangulo ng bansa ay hindi nagmamadali sa tatlong buwan at ang nais ay matinding pagpapatupad ng kampanya kontra illegal drugs.
“Bakit sila mag-aapura ng three months kaagad? I think the vo-ters voted for the President not because they wanted the three months but because they wanted somebody to address the problem forcefully,” ani Esperon. Ang mainam na paraan aniya para resolbahin ang isyu ay ipakita na epektibo ang kampanya ng administrasyon kontra illegal drugs.
“The best way to address this is to show that we are effective in anti-drugs, that we can address the problems they are concerned with. Nakakapagtaka nga e dahil ang dapat mag-address nito mga Filipino. Sila hindi na ‘ata sila mga Fi-lipino. Hindi naman natin tinatawaran ang kanilang pagiging Filipino, patriotism. But I think we are very well in a position to address it ourselves,” aniya.
(ROSE NOVENARIO)