KAHIT malagay sa panganib ang kanilang buhay, hindi sakop sa ipagkakaloob na seguridad ng gobyerno ang bloggers o ang netizens na nagmamantina ng sariling website para ilathala ang kanilang mga opinyon at saloobin.
Ito ang sinabi kahapon ni Presidential Task Force on Media Security Executive Director Joel Egco sa isang chance interview sa Palasyo bago ang mass oath taking sa presidential appointees.
Ayon kay Egco, tanging media practitioners lang sa mainstream media ang bibigyan ng proteksiyon ng task force.
Idinagdag ni Egco, ang kahulugan ng media practitioner sa mainstream media ay nagsusumite ng report na inilalathala at isinasahimpapawid o inieere sa radio o telebisyon kapalit ng suweldo.
Ang pahayag ni Egco ay bilang tugon sa napaulat na may pagbabanta sa buhay ang blogger na kilala bilang Thinking Pinoy na nagbulgar ng ‘Lenileaks’ o ang lumigwak na pag-uusap sa social media ng Yahoo group na Global Filipino Diaspora Council (GFDC) na nag-uugnay sa Office of the Vice President sa destabilisasyon laban sa administrasyong Duterte.
“I have been informed that a especially infamous opposition senator with a reputation for scandal has mobilized his men to track me down. I have taken the appropriate steps to increase security. But if I end up dead in some alley or missing, you will know who to blame,” ani Thinking Pinoy sa kanyang Facebook page kamakalawa.
Si Mocha Uson , bagong MTRCB board member at isa sa mga blogger na supporter ni Duterte, ay kabilang sa 220 bagong presidential appointees na nanumpa kahapon kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Matataandaan, pag-upo sa Palasyo ay agad binuo ni Pangulong Duterte ang task force dahil prayoridad ng kasalukuyang administrasyon ang kapakanan ng mga mamamahayag sa bansa.
Tiniyak ng Malacañang ang mahigpit na pagtutok ng administrasyong Duterte laban sa media violence.
(ROSE NOVENARIO)