INIIMBESTIGAHAN na ng intelligence community ang posibleng partisipasyon ng mga tauhan ni Vice President Leni Robredo at pakikipagsabwatan nila kay Fil-Am billionaire Loida Nicolas-Lewis sa destabilisasyon laban kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ang sinabi kahapon ni National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr., hinggil sa natanggap nilang mga report hinggil sa #Lenileaks o ang pagligwak sa social media ng pag-uusap sa ‘restricted’ Yahoo group na Global Filipino Diaspora Council (GFDC) na nag-uugnay sa Office of the Vice President sa destabilisasyon laban sa administrasyong Duterte.
Ayon kay Esperon, kasama ang #Lenileaks sa agenda ng cabinet meeting ngayon.
Kabilang sa mga prominenteng kasapi sa GFDC group ay sina billionaire Fil-Am lobbyist Loida Nicolas-Lewis, kapatid niyang si Commission on Filipinos Overseas (CFO) Imelda “Meldy” Nicolas, CFO Commissioner Jose Molano Jr., Inquirer US Bureau columnist Ted Laguatan, ABS-CBN Europe News Bureau correspondent Atty. Gene Alcantara at Northern Europe civil society leader Filomena Mongaya Hogsholm.
Batay sa usapan sa GFDC Yahoo Group o social media group ng OVP, nakasaad ang damage control ng kampo ni Robredo sa mga batikos sa pagpapasarap niya sa US habang binabayo ng bagyong Nina ang kanyang mga kababayan sa Bicol region.
Nakalagay rin kung paano babaliktarin ang isyu at palabasin na sina Duterte at Marcos ang masama.
May nakabimbin na electoral protest si Marcos laban kay Robredo sa Presidential Electoral Tribunal (PET).
Ang mga nakasaad sa mga naligwak na dokumento ay taliwas sa pagtanggi ni Robredo na sangkot siya sa planong pagpapatalsik kay Duterte.
Bago ang Kapaskuhan ay isiniwalat ni Duterte na kaya inalis sa gabinete si Robredo dahil kasali siya sa mga hakbang na nagsusulong na patalsikin siya sa puwesto.
(ROSE NOVENARIO)