NAGHAHANDA na ang National Capital Region Police (NCRPO) para sa seguridad sa gaganaping “Miss Universe 2017 Pageant” ng Enero 30, 2017.
Sinimulan ng NCRPO ang pakikipag-ugnayan at pakikipagpulong sa organizers ukol sa ikakasang seguridad sa bansa lalo na’t dito sa Filipinas gagawin ang “Miss Universe Pageant”.
Ang hakbang ay bunsod nang inaasahang pagdagsa ng bibisitang mga banyaga at Filipino sa mismong araw ng patimpalak na gaganapin sa Mall of Asia (MOA) Arena sa lungsod ng Pasay.
Ayon kay NCRPO director, Chief Supt. Oscar Albayalde, nagsisimula na silang magpulong ng pamunuan ng Ms. Universe sa ipatutupad na seguridad sa lugar at sisiguruhin nilang detalyado at pulido ang preparasyon sa araw ng patimpalak, lalo’t ang pangatlong beses itong idaraos sa bansa.
Unang ginanap ang Miss Universe sa bansa noong taon 1974 habang ang pangalawa ay noong 1994.
Bago ito, sinabi ng Department of Tourism (DoT), nakikipag-ugnayan sila sa Philippine National Police (PNP) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), para tiyakin na hindi makapadudulot nang masikip na trapiko ang nabanggit na event.
( JAJA GARCIA )