LIMA,Peru – NANINIWALA si outgoing US President Barack Obama, magiging mas maganda at matatag ang relasyon ng Filipinas at Amerika sa pagwawagi sa halalan ni President-elect Donald Trump.
Ito ang sinabi ni Obama kay Foreign Affairs Secretary Perfecto Yasay nang magkaharap sila sa Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) retreat kamakalawa.
Si Yasay ang naging kinatawan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa APEC leaders gala dinner at retreat dahil may jet lag ang presidente.
Ayon kay Yasay, sinabi sa kanya ni Obama na parehong madaling uminit ang ulo nina Trump at Duterte kaya magkakasundo ang dalawa.
“Well, sinabi nya sa akin na he is expecting a better and stronger relationship between the Philippines and the United States under the new admin of Pres-elect trump, dahil sabi n’ya they seem to have the same kind of temperament. And sagot ko naman sa kanya, well I hope so,” ani Yasay sa panayam ng Philippine media delegation sa 2016 APEC Summit.
Pinigil lang ni Yasay ang sarili na sabihin kay Obama na kung ano man ang relasyon ng Filipinas at Amerika ngayon ay bunga ng trato ng US government sa ating bansa na naging palaasa sa kanila.
HIndi na rin binanggit ni Yasay kay Obama na nais niyang iparating sa Amerika na magiging mas matatag ang relasyong PH-US kung rerepasohin at itotono na hindi papayagan na maging sunud-sunuran ang Filipinas kay Uncle Sam.
Binigyan-diin ni Yasay, ang maayos na relasyon ng dalawang bansa ay mas mahalaga kaysa ibatay sa kung sino ang Pangulo ng Amerika.
“Hindi ko na lang Nabanggit sa kanya na ang ano mang kahirapan na we have becoz of our existing, as a result of our existing relationship is more fundamental than personalities involved. Gusto naman natin na ma-convey ang mensahe sa Amerika na ‘yung ating relationship can be stronger if there will be a re-evaluation and re-adjustments of our relationship where this time, dependency will not be allowed, ‘di ba. That is more fundamental. Kung sino man maging presidente ng US kung, hindi ganun,” dagdag ni Yasay.
Nakita aniya ni Obama na may lamat sa ngayon ang ugnayan ng PH at US ngunit sa administrasyong Trump ay posibleng maging maganda.
“He was really saying something that was to my mind a forward looking, na nakikita niya na siguro medyo strained ang relationship ngayon only with the leaders involved. Pero with Trump, nakikita niya na baka, more optimistic siya roon,” ani Yasay.
“I think we have all the fundamentals that would ensure that our relationship will even be stronger
“With trump and even into future, looking into the future, would grow stronger for as long as we are able to manage these fundamentals properly, you know, it will be towards a direction, both countries will treat each other as sovereign equals and mutual respect. ‘Yun naman ang basic diyan e in so far as carrying a mutually beneficial relationship,” ani Yasay.
Matatandaan, naging mahigpit na kritiko ni Obama si Pangulong Duterte nang batikosin ng US President ang aniya’y paglobo ng extrajudicial killings (EJKs) bunsod ng drug war.
Ayon sa Pangulo, walang karapatan ang US na makialam sa internal na problema ng bansa lalo na’t maraming inutang na dugo ang Amerika sa Filipinas noong Fil-Am War at ilang beses tayong kinaladkad nang giyerahin ang Korea, Vietnam, Afghanistan at Iraq, mga bansa gustong sakupin ni Uncle Sam.
( ROSE NOVENARIO )