KINOMPIRMA ni PNP chief, Director General Ronald dela Rosa ang nakompiskang 22 kilo ng shabu, tinatayang P110 milyon ang halaga, sa Guadalupe, Makati City kahapon, hinihinalang may koneksiyon sa illegal drug trade sa loob ng New Bilibid Prison (NBP).
Arestado ang dalawang drug suspek na sina Maria Rosario Echaluce at Angelo Echaluce, magtiyahin at pawang mga residente sa Bilibiran, Binangonan, Rizal.
Ayon kay Dela Rosa, si Maria Rosario ay live-in partner ni Hilario Labadero, nakakulong sa NBP, siyang may contact sa isang Chinese drug lord sa Hong Kong at konektado sa mga drug lord sa Pampanga.
Naniniwala si Dela Rosa na malaking sindikato ang nasa likod ng nakompiskang droga.
Sinabi ng PNP chief, tutugisin nila ang Chinese na contact ni Labadero.
Napag-alaman, ga-ling Muntinlupa, sumakay ng bus ang dalawa at bumaba sa bahagi ng Guadalupe para i-deliver ang isang kilong shabu sa isang pulis na nagpanggap na poseur buyer.
Sisiyasatin din ng PNP ang posibleng koneksiyon ng boyfriend ni Maria Rosario na si Labadero, sa drug lord na si Franz Sabalones na una nang sumuko sa Kampo Crame.
( JAJA GARCIA )