PATAY agad ang isang regional director ng Bureau of Internal Revenue (BIR) habang sugatan ang kanyang driver nang tambangan ng riding-in-tandem ang kanilang sasakyan sa Proj 4, Brgy. Escopa, Quezon City kahapon ng madaling araw.
Sa ulat kay Quezon City Police District (QCPD director, Sr. Supt. Guiler Lorenzo T. Eleazar, kinilala ang biktimang si Jonas Amora, 55, BIR Leyte Region 8 director II, residente ng Baker St., Fil-invest East, Antipolo City.
Sugatan si Angelito Pineda, BIR director ng Makati, at residente sa Masikap St., Brgy. Pinyahan, Quezon City.
Napag-alaman, habang minamaneho si Pineda ang Toyota Innova (EBZ 502) dakong 5:02 am at binabagtas ang Katipunan Road galing Antipolo patungong BIR main office sa Quezon City, sinabayan sila ng isang motorsiklo.
Pagdating sa kanto ng Katipunan Avenue at Major Dizon St., Brgy. Escopa 2, pinagbabaril ng mga suspek ang biktima na nakaupo sa passenger’s seat sa harapan.
Samantala, inaalam ng pulisya ang motibo sa pananambang ngunit malinaw na hindi holdap ang pakay ng mga suspek dahil narekober sa loob ng sasakyan ang dalang P300,000 cash ng dalawa.
( ALMAR DANGUILAN )