UMIIGSI, hindi humahaba; kumikikitid, hindi lumalawak; lumiliit, hindi lumalaki ang daigdig ng mga biktima ng nakalululong na droga dito sa ating bansa.
Sa libo-libong naging biktima ng ‘salvaging’ na mga adik sa droga, tipong hindi pa rin nalulunasan ang problema na hanggang sa mga oras na ito ay patuloy ang pagdami ng mga nangamatay kung hindi sa enkuwentro sa mga pulis, e sa sinasabing ‘salvaging’.
Kung sino-sino ang gumagawa ng mga ganitong klase ng pagpatay, walang tiyak na sagot!
Sa mga biktima ng ilegal na droga, wala rin katiyakan kung ang kanilang pagkakalulong sa pesteng droga ay mahihinto o lalo pang lalawig sa kabila ng pagpupursigi ng pamahalaang Duterte na matuldukan kahit pa abutin ng kanyang pagbaba sa puwesto bilang siyang “Nemesis of Illegal Drugs.”
Noong panahon ng PC CANU o Philippine Constabulary Anti-Narcotics Unit noong dekada ‘70 hanggang naging PC/INP Narcotics Command bandang kalagitnaan ng dekada ‘80, hindi na mabilang ang naging biktima ng ilegal na droga. Tandang-tanda ko noong kami’y nag-aral ng imbestigasyon para sa pagpapatupad ng Anti-Dangerous Drugs Law, mga banyagang turista sa ating bansa ang kalimitang nahuhuli sa paggamit ng ilegal na droga.
Tumbok na ng PC noong araw ang mga clandestine laboratories dito sa atin na opyo at ilan pang derivatives ang ginagawa. Ang pagkakahuli sa kauna-unahang manufacturer at drug lord na si Gan So Sou o “Lim Seng” noong dekada ‘70 ang panimula ng malawak na kampanya ng bansang Filipinas laban sa ilegal na droga, na hanggang sa mga panahong ito ay pangunahing problema pa rin natin.
Isa lang ang dahilan kung bakit hindi maapula ang paglaganap ng ilegal na droga: malaking pera na hindi pinagpawisan! Ang lawak ng impluwensiya nito sa law enforcement agencies at maging sa sirkulo ng politika ay hindi mapiho sa dami ng mga nakasawsaw sa operasyon. Saan ka pa nga pupunta kundi sa konting pagod, laking kuwarta na agad — maglako ng droga!
Ang pulisya ang pinakamalapit na karaniwang ‘exposed’ sa laban kontra droga sapagkat sila ang front actors sa pagpapatupad ng batas laban dito. Hindi maitatago ang suspetsa na kapag ang isang pulis na mababa ang ranggo ay naka-Benz o naka-Fortuner sa kabila ng maliit na suweldo na kahit pa hulugan ang nabiling sasakyan ay sadyang hindi maitatawid ang kapunuan. At kung si pulis ay kukuwestiyonin kung saan at paano nagkaroon ng ganitong ‘flashy car’ at ibabase sa kanyang income tax return, e tiyak namang hindi mai-justify ang pinanggalingan ng kanyang ipinambayad.
Maaaring sa isang politiko, makalulusot pa ang source ng kanyang ipinambili ng magarang kotse… kilala naman natin ang politiko na kaliwa’t kanan ang pinanggagalingan ng pambili ng lahat ng rangya sa buhay. Kilala rin natin ang mga ‘narco-politician’ na ngayo’y isa-isa nang nabubunyag. Kung hindi pa naging Pangulo si Duterte e hindi pa mabubuksan ang sisidlan ni Pandora na pulos bulate at uod ang laman!
Tayo ay dumarami at halos cien-mil na ang populasyon pero alinsabay dito ay pagdami ng mga biktima na ilulong pa ng ilegal na droga. Ang kabataan ang ‘focus’ na pilit na isinasalba ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte… yae na ang matatanda… (bumiyahe na sila, huwag na lang idamay ang mga kabataan sapagkat may magandang hinaharap pa sila!)
At sa mga tumutuligsa sa kampanyang ito ni Duterte, na ngayon ay nasa pang-apat na buwan sa katungkulan—— mag-isip din kayo kung nais ba ninyong iligtas ang inyong mga kabataan sa kuko ng malagim na impluwensiya ng ilegal na droga?!
SOUNDING BOARD NI KOYANG – Jesus Felix B. Vargas