UMAABOT sa 10 kilo ng pinatuyong marijuana ang nadiskobre ng pamunuan ng Florida bus company sa storage ng kanilang terminal sa Quezon City kahapon ng madaling araw.
Ayon kay Supt. Wilson Delos Reyes, hepe ng Quezon City Police District (QCPD) Anonas Police Station 9, dakong 12:30 am nang matuklasan ang bagahe na naglalaman ng bulto-bultong marijuana, isang taon nang nakaimbak sa baggage/storage ng terminal sa kanto ng EDSA at Kamias Road, Brgy. West Kamias, ng lungsod.
Natuklasan ang bagahe ng dispatcher na si Christopher Rodriguez at security on duty na si Julie Quaichon habang inaayos ng dalawa ang mga bagahe sa storage.
Nasa pangangalaga na ng District Anti-Illegal Drugs (DAID) sa QCPD Headquarters sa Camp Gen. Tomas Karingal ang marijuana.
Ang nasabing bagahe ay nakapangalan sa isang Ermilinda Torres ng Cubao, Quezon City.
( ALMAR DANGUILAN )