NANINIWALA si Pangulong Rodrigo Duterte na dapat hubaran ng kapangyarihan ang mga bilanggong drug lord upang hindi magkaroon ng ‘Pablo Escobar’ sa Filipinas na kahit nakakulong na’y nakapagpapatakbo pa ng drug trafficking syndicate.
Sa kanyang press briefing sa NAIA Terminal 2 bago pumunta sa Malaysia kahapon, sinabi ng Pangulo, wala siyang alam na nagawang kasalanan nang ibulgar ang korupsiyon at paglaganap ng illegal drugs trade sa New Bilibid Prison (NBP) at iba pang bilangguan sa bansa .
“I don’t know what are my sins. So, I’d rather leave it to the court. If there are cases filed already, e ‘di hayaan natin. Mine was just to make public what was or is the corruption of the day and how drugs flourish inside our penal institutions, not only sa Muntinlupa but sa mga kolonya,” pahayag niya hinggil sa petisyon laban sa kanya ni Sen. Leila de Lima.
Nauna nang isiniwalat ng Pangulo na ang driver-bodyguard ni De Lima na si Ronnie Dayan ang nagsilbing bagman ng senadora sa koleksiyon sa illegal drugs trade sa NBP noong justice secretary pa siya.
Ayon sa Pangulo, hangad lang niya na ipabatid sa publiko na hindi sapat na pabayaan ang nakapiit na drug lord ay makapagbenta ng illegal drugs gaya ng notorious na Colombian drug lord Pablo Escobar na pinayagan ng kanyang pamahalaan na magpatayo ng sariling bilangguan at naipagpatuloy ang kalupitan at pagpapayaman sa illegal drugs trade.
Si Escobar ay pinahintulutan ng Colombian government na ipatayo ang La Catedral Prison noong 1991 para magsilbing kulungan niya kapalit nang hindi pag-extradite sa kanya sa Amerika para harapin ang illegal drugs case.
Ang La Catedral Prison ay isang eleganteng kulungan, may Jacuzzi, waterfall, bar at soccer field at ginawang emperyo ni Escobar para ituloy ang illegal drugs transactions sa pamamagitan ng telepono.
“And to this day, they are still making money from the inside. Ang traffic ng droga sa Filipinas, nanggagaling sa presohan. Sila ‘yung may contact doon sa labas at sila lang rin ‘yung puwedeng mag-order. Any other guy would not do. But most of these guys are now in prison. So, kung sabihin mo na nahuli na natin ‘yung mga drug lord, kulang ‘yan. Kasi just like in Mafia, in Mexico, the cartel there, Escobar, he continued to direct the traffic of drugs, cocaine, heroin, from their prison cell. Hindi, hindi nagkaiba rito, as revealed by everybody. It’s not enough that they are in prison. They have to be immobilized,” giit ni Pangulong Duterte.
Habang sinabi ni Chief Presidential legal counsel Atty. Salvador Panelo, ang petisyon ni De Lima laban sa Pangulo sa Korte Suprema ay isang harassment na ang layunin ay pahupain ang giyera laban sa illegal drugs ng administrasyon at upang ilihis ang atensiyon ng publiko sa kanyang mga kabulastugan nang siya’y justice secretary pa.
“A public official’s private life cannot be segregated from his or her public life, especially when the former affects the latter. This is true whether the public official is a man or a woman,” ani Panelo.
ni ROSE NOVENARIO