WALANG balak si Pangulong Rodrigo Duterte na bawiin ang kanyang desisyon na pahintulutan na ihimlay sa Libingan ng mga Bayani si dating Presidente Ferdinand Marcos.
“Well, as I have said, as a lawyer, I stick by what the law says. The law says that soldiers and ex-presidents, ‘yung namatay o maski hindi siguro ex, basta presidente ka, doon ka ilibing,” ayon sa Pangulo sa kanyang press briefing sa NAIA Terminal 2 bagong pumunta sa Thailand at Malaysia kahapon.
Sinabi ni Pangulong Duterte, wala siyang magagawa kundi sundin at ipatupad ang batas lalo pa’t nagpasya na ang Kataas-taasang Hukuman.
Ang mga akusasyon aniya laban kay Marcos hinggil sa karahasan noong Martial Law at katiwalian ay nakatakda pang husgahan ng isang competent court.
Sinabi ng Pangulo, walang mababago sa kanyang pasya kahit kausapin pa siya ni Senate President Aquilino Pimentel III na kontra rin sa desisyon ng Supreme Court.
Giit ng Pangulo, hindi niya sinasabing bayani si Marcos kundi ipatutupad lamang niya ang batas.
( ROSE NOVENARIO )