MAKARAAN ang tatlong taon, nais panagutin ng libo-libong pamilyang biktima ng supertyphoon Yolanda sa ‘kriminal na kapabayaan’ sina dating Pangulong Benigno Aquino III at dating Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Corazon “Dinky” Soliman.
Sinabi ni Marissa Cabaljao, secretary-general ng People Surge, pinag-aaralan na ng kanilang grupo na asuntohin sina Aquino at Soliman dahil sa kabiguan na bigyan ng kagyat na ayuda ang mga biktima ng Yolanda.
Ang People Surge ay isang alyansa ng Yolanda survivors sa Eastern Visayas na nagsusulong na ibigay ng gobyerno ang mga dapat na tulong at benepisyo na kailangang matanggap ng mga biktima ng kalamidad.
Ani Caljao, may 50,000 pamilya mula sa People Surge ang nagsumite ng kanilang mga reklamo sa regional office ng DSWD na hindi nakatanggap ng emergency shelter assistance (ESA) mula sa administrasyong Aquino.
Giit niya, si Aquino ang nagpahintulot na lagdaan ni Soliman ang Memorandum Circular #24 na nagtatakda na hindi dapat makatanggap ng cash assistance ang mga biktimang nakatira sa No Dwelling Zones (NDZ).
Nauna nang sinabi ni DSWD Secretary Judy Taguiwalo na hiniling niya kay Pangulong Rodrigo Duterte na paimbestigahan ang natuklasan na iregularidad ng nakaraang administrasyon sa pagbibigay ng emergency shelter assistance (ESA) sa mga biktima ni Yolanda.
Aniya, sa isinumite niyang ulat kay Pangulong Duterte, nakasaad na may 200,000 biktima ni Yolanda ang hindi pinagkalooban ng ESA sanhi nang kawalan ng relocation site o dahil hindi sila kapanalig ng ilang lokal na opisyal.
Inaasahang isasapubliko ni Taguiwalo ang ulat ng DSWD sa Yolanda aid ngayon kasabay nang paggunita sa ikatlong anibersaryo ng hagupit ni Yolanda.
Habang ayon kay Caljao, gugunitain nila ngayon ang Yolanda sa pamamagitan ng mga pagkilos sa iba’t ibang parte ng Eastern Visayas.
May 30 miyembro ng PeopleSurge ang kasali sa dialogue summit ngayon sa Multi-purpose Hall Government Center sa Baras, Palo, Leyte kasama si Pangulong Duterte.
ni ROSE NOVENARIO