GINAGAMIT na kalasag ni Sen. Leila de Lima ang pagiging babae para protektahan ang sarili sa santambak na ebidensiya sa kaugnayan niya sa high-profile druglords at talamak na bentahan ng illegal drugs sa New Bilibid Prisons (NBP).
Ito ang buwelta ng Palasyo sa petisyong inihain ni Sen. Leila de Lima laban kay Pangulong Duterte hinggil sa sinasabing paglabag sa kanyang karapatan bilang babae.
“Senator Leila de Lima is apparently playing the gender card as a shield against mounting evidence of her ties with high-profile drug lords and the proliferation of drug trade in the Bilibid,” sabi ni Presidential Spokesman Ernesto Abella.
Giit ni Abella, ang pagpinta ni De Lima sa sarili bilang biktima ay para dumistansiya sa mga naging karelasyon na nagkaroon ng papel sa drug trafficking sa NBP nang siya pa ang justice secretary.
“By portraying herself as a victim she seeks to distance herself from the intimate relationships which were also intertwined with drug trafficking while she was DOJ Secretary,” ani Abella.
Aniya, nais lang lunurin ni De Lima ang kinasasangkutan kaso sa illegal drugs kaya nag-ingay sa media sa pamamagitan ng nasabing petisyon.
“Senator De Lima’s filing of a petition before the Supreme Court is calculated to generate media noise to drown out the accusations against her,” wika ni Abella.
Habang binigyang diin ni Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo, hindi hina-harass ni Pangulong Duterte si De Lima, bagkus ay ginagampanan lang ng Punong Ehekutibo ang tungkulin na bigyan ng kaalaman ang publiko.
( ROSE NOVENARIO )