NGAYONG nasa alanganin ang pamahalaang Duterte sa patumpik-tumpik na isipan ng mga tagapayo ni Pangulong Rodrigo Duterte, pang-militar, pulisya at maging sa ekonomiya, nababanggit na ang self-reliance project na kaya ng Filipinas gumawa ng sariling barko at ilan pang military hardware.
Kung hindi pa lumabas ang issue ng ilan libong ripleng panggamit ng AFP at PNP, hindi pa muling lalawit sa isipan ng mga ngayong nasa Gabinete ng pamahalaan at maging ang mga nagdaang dispensasyon.
Heto at sinasabing tumanggi na ang US sa pagbebenta ng mga armas sa PNP at sinagot naman ng Pangulong Duterte na “meron naman siyang mabibili sa Tsina o sa Russia.” Alinsabay dito sinabi rin ni Bato dela Rosa na tuloy ang negosasyon sa mga armas at nasundan ng huling balita na ikinokonsidera ni Pangulong Duterte ang pagbili ng M4 assault rifles sa US.
Minsan ay ka-chat ko ang ilang kaklase noong high school na ngayon ay naninirahan na sa Estados Unidos o America sa mga nakararami. Nasa Bay Area ako, siyang katawagan sa lugar o siyudad sa California na nasa kapaligiran ng San Francisco Bay, noong Mayo hanggang Hunyo at ganoon na lang ang papuri ng ating mga kababayan sa pagkapanalo ni PRRD noong Mayo 10, 2016 na siya kong pagdating.
‘Di magkandatuto ang aking mga kaklase na nasa linya na rin ng edad ni Duterte, ang lahat sila ay nagsabing, “Sana’y mabago niya ang Filipinas…kung bakit kami nandidito sa America ay dahil sa kawalan ng hanapbuhay at ang paglala ng krimen ay mukhang ‘di maampat o masawata!”
Noong mga panahong iyon nang magsipunta sa America ang mga kaklase sa Philippine College of Commerce Laboratory High School, ay siya ko namang paglapag sa Camp Aguinaldo, dahil sa alok ng Civil Service Commission na may bakanteng puwesto sa Office for Civil Relations, AFP at aking sinunggaban.
Researcher/writer ako at sa mga pananaliksik ko sa mga proyekto ng AFP noong dekada 70 kung kailan ako nagsimula sa ilalim ni PA Col. Noe S. Andaya, nasulyapan ko ang kabuuan ng proyekto ng AFP na Self-Reliance Project.
Dito kung malinaw pa ang pagkakaalala ko ay sinasabing sa mga natural na yaman ng ating bansa ay kayang-kayang gumawa ang AFP ng kanilang armas pang-giyera. Totoo namang sadya, dahil sa atin nanggaling ang mga bakal at ipa pang yamang-kalikasan na ginagawang farm implements at iba pang nabubuo ng bakal.
Noon ay may DND Arsenal na sa Bataan at ang ating mga imbentor at ilang inhinyero ay pawang mahuhusay at kung tutuusin ay magagaling silang magdisenyo ng mga armas.
Sa katunayan, noong 1972 nang nasa Philippine Constabulary na ako bilang writer pa rin sa Constabulary Adjutant General’s Office, nakilala ang isang Sergeant Iran… Bisaya o Mindanaoan siya —meron siyang imbensiyon na isang fully automatic submachine gun na ang bala ay .45 ammo.
Nai-feature nga siya sa Constable magazine noong araw na kung ‘di ako namamali ay isinulat ni Tom Bacalzo o ni Danny Azcarate, mga batikang writers na kasabayan namin ni General Cris Maralit.
Panahon na para i-develop ng bansa ang talino ng ating mga imbentor o mga inhinyero na magagaling at maihahambing sa talino at galing ng mga Asiano at maging mga Amerikano at Europeano.
Kung bakit hindi umuusad ang ating bansa ay sapagkat walang sinuman sa pamahalaan noong araw ang nagkusa o nag-amuki sa ating mga magagaling na imbentor — kung mayroon man, pinahihirapan bago maipasa sa research and development ng opisina ng pamahalaan na may kinalaman dito.
Ang lantad na gawaan ng mga homemade paltik sa Visaya at noon sa Ilocos ay isa lang patunay na mahuhusay bumuo ng armas ang ating mga kababayan. Sila ay ma-wido ‘ika nga at sa husay ng kanilang mga kamay at sa tulong ng maliit na turno, presto ang bagong kalibre .45 mo!
Sana ay totohanin at maagang isakatuparan ng mga nagsusulong ng self-reliance project sa Senado o sa Kongreso man. Panahon na makita ng America na ang galing ng Filipino sa paggawa ng mga armas ay maihihilera sa mga gawa ng Europa o America at ng buong mundo.
SOUNDING BOARD NI KOYANG
Jesus Felix B. Vargas