INATASAN ni Pangulong Rodrigo Duterte ang National Bureau of Investigation (NBI) na tutukan ang pag-iimbestiga sa graft and corruption.
Sinabi ng Pangulo kamakalawa ng gabi, gusto niya na ang trabahuhin muna ng NBI ay mga kaso na may kaugnayan sa korupsiyon imbes illegal drug cases.
“I want the NBI now to focus on graft and corruption. ‘Yun na lang muna trabaho nila,” ayon sa Pangulo.
Ikinuwento ng Pangulo, minsan nang nasangkot ang ilang taga-NBI sa pagkonsinti sa illegal drugs trade nang i-lipat sa kanilang kustodiya ang Bilibid 19 o ang high-profile inmates mula sa New Bilibid Prisons (NBP) na sabit sa illegal drugs trade sa pambansang piitan.
Nagbenta aniya ang ilang ahente ng NBI ng P50,000 kada cellphone sa Bilibid 19 para maipagpatuloy ang kalakaran nila ng illegal drugs.
“There was a time sa NBI na tinatanggal mo na nga sa police, inilalagay sa NBI para hindi makapag-communicate. And just to find out na pati sila pala, they were selling cellphones inside the NBI for about 500,000. Para lang makalaro ng droga ‘yung—So ayan trabaho ninyo. Mga NBI maghinto kayo riyan sa, umalis kayo riyan sa droga, umalis kayo riyan sa ano. Concentrate on graft and corruption sa gobyerno,” ayon sa Pangulo.
Noong nakaraang buwan ay sinampahan ng kasong illegal drug trading and trafficking si Sen. Leila de Lima at anim na iba pa kaugnay sa bentahan ng shabu sa NBP para makapangalap ng pondo sa senatorial bid ng noo’y justice secretary.
( ROSE NOVENARIO )